PRIVILEGE CARD SA MAHIHIRAP

PRIVILEGE CARD

ITINUTULAK ng Philippine Commission on Urban Poor (PCUP) na mabigyan ng tinatawag na Urban Poor Privilege Card ang pinakamahihirap na mamamayan sa bansa.

Sa ginanap na Job Caravan sa Navotas Sports Complex, sinabi ni PCUP Chairperson/CEO Alvin Feliciano na plano ng komisyon na ilunsad ang naturang proyekto sa Setyembre upang mapakinabangan ng mga mahihirap mula sa urban communities.

Ayon kay Feliciano, patuloy na pinag-aaralan ng kanilang tanggapan ang pagkakaloob ng privilege card sa mga mahihirap na kahalintulad sa privilege card ng mga senior citizen.

Sa kasalukuyan, nasa 30 milyon na ang populasyon ng urban poor sa bansa na target na ma­bigyan ng privilege card mula sa PCUP.

“Makatutulong itong plano naming privilege card for the poorest or the poor na kahalintulad sa card ng mga senior citizen, maaari rin itong makapagbigay ng 10 porsiyentong discount sa mga gasolinahan,” saad ni Feliciano.

Nabatid na abala ngayon ang PCUP sa mga partnership sa iba’t ibang ahensiya ng gob­yerno at pribadong sektor para sa mga isinasagawang job caravan, gayundin sa inihahandang privilege card.

Idinagdag pa ni Feliciano na hindi lamang sa memorandum of agreement bibigyan ng bisa ang naturang privilege card ng mahihirap kundi handa rin silang dalhin ito sa Kongreso upang mabigyan ng malinaw na kapangyarihan alinsunod sa mga umiiral na batas.

Samantala, sa idinaos na job caravan ng PCUP katuwang ang Grab Philippines, sinabi ng presidente nitong si Brian Cu na target nilang makapangalap at mabigyan ng trabaho ang mga aplikanteng driver.

Tiniyak ni Cu na maayos at masusing pi­nipili ang mga nagnanais na maging Grab drivers kung saan isinasailalim ang mga ito sa drug test, pinakukuha ng clearances at iba pa upang masigurong matino at hindi pasaway ang kanilang mga ipakakalat na drivers.

“In Grab, our drivers earn at least two times the minimum wage,” pahayag pa ni Cu. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.