ISABELA – KASADO o handa na ang Police Regional Office (PRO2) sa kanilang Oplan Ligtas SumVac (Summer Vacation) 2019 na naglalayong masiguro ang kaligtasan at proteksiyon ng publiko ngayong Semana Santa.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Chevalier Iringan, tagapagsalita ng PRO2, ibinahagi nito ang kanilang isasagawang pa-ghahanda sa darating na bakasyon.
Handang-handa nang maglingkod ang mga kapulisan sa mga mamamayan ngayong darating na bakasyon na magsisimula sa Abril 5, 2019 at magtatapos sa Hunyo 12, 2019.
Ayon pa kay P/LtCol Iringan, kanilang tututukan ang mga isasagawang operasyon sa anti-kriminalidad at babantayan ang mga pangunahing ruta ng mga magbabakasyon upang masiguro na ligtas ang mga ito.
Samantala, gaganapin ang kauna-unahang pista ng PRO2 sa loob mismo ng kanilang kampo mula Abril 4 hanggang Abril 7, taong kasalukuyan.
Inaanyayahan ng nasabing opisyal ang lahat ng mga interesado upang makiisa at makisaya sa kanilang tanggapan para sa pag-diriwang ng kanilang kapistahan.
Magsisilbing tourist destination ng mga bakasyunista ang nasabing kapiyestahan sa PR02. REY VELASCO