UMANI ng suporta mula sa malalaking real estate groups ang panawagang amyendahan ang kasalukuyang Real Estate Service Act of 2009 (RESA) para gawin itong pro-Filipino at maging daan para malutas ang 6.75 milyong housing backlog ng bansa.
Ilan sa mga sumali sa panawagan ng A Better Real Estate Philippines (ABREP) ay ang Chamber of Real Estate Builders Associations (CREBA), National Real Estate Association (NREA), Real Estate Brokers Association of the Philippines (REBAP), Organization of Socialized and Economic Housing Developers of the Philippines (OSHDP), Subdivision and Housing Developers Association (SHDA), at iba pang mga beterano sa industriya.
Ang ABREP ay isang kilusang naglalayong itaguyod ang pagiging inclusive at paggamit ng teknolohiya sa industriya. “Hindi kami nag-iisa sa aming panawagan na amyendahan ang RESA. Nagkakaisa kaming lahat upang gawing mas mabuting batas ang RESA para sa mga Filipini,” sinabi ni ABREP President Anthony Leuterio sa press conference kamakailan. Idinagdag niya na ang ABREP ay lumapit na sa PRC hinggil sa panukalang amyendahan ang RESA.
‘Hindi lamang para sa piling tao’ Ayon kay REBAP National Board Edwin Calamba, ang RESA law ay “hindi perpektong batas kaya ito ay kailangang amyendahan.” “Ang REBAP ay bukas sa pagbabago ng batas. Naniniwala kami na ginagawa ng ABREP ang kanilang makakaya upang maging mas pro-Pinoy, pro-poor at pro-technology ang RESA. Ang REBAP ay nandito para suportahan ang ABREP sa kanilang adhikaing amyendahan ang RESA hindi lamang para sa piling tao, ngunit para sa ikabubuti ng buong industriya at bansa,” ani Calamba.
Sinang-ayunan ito ni Havitas Development Corporation Chairman and Co-Founder Andy Mañalac na hinihikayat ang kooperasyon ng iba pang stakeholders at makiisa sa ABREP sa adhikaing gawing mas inclusive ang industriya sa pamamagitan ng ipinanukalang mga pagbabago sa RESA.
“Ang bawat organisasyon ang may kanya-kanyang posisyon sa RESA. Ang tanging paraan upang masuri ng ating mga mamba-batas ang isyung ito ay mag-ugnayan ang lahat ng organisasyon sa pagresolba ng mga issues patungkol sa RESA. Ang aking apela ay magkaisa ang lahat at magsumite ng kani-kanilang mga posisyon upang ito ay mapag-usapan sa isang tamang forum at pagkatapos ay magkaroon ng isang mas mahusay na RESA,” ayon kay Mañalac.
“Ang pangunahing problemang kinakaharap natin sa sektor ay ang nakaaalarmang 6.75 million-unit housing backlog. Maraming underserved na lugar sa mga probinsya dahil kulang sila sa mga real estate brokers. Marami ring mga OFW na nais bumili ng bahay sa mga kani-kanilang probinsya pero wala silang access sa impormasyon. Ito ang mga dahilan kung bakit kailangang amyendahan ang RESA. Hindi namin sinasabi na alisin ang batas, ang gusto naming gawin ay mas pagandahin ito kung saan mas maraming Filipino ang nakikinabang,” wika ni RJ Ledesma, isang bantog na real estate developer, consultant, at TV host.
Sinabi naman ni CREBA National President Noel Cariñonoong na kailangang tanggalin ang Section 32 ng RESA Law o RA 9646, na nagsasaad na ang partnerships at corporations ay kinakailangang magkaroon ng isang licensed real estate broker sa kada 20 na accredited sales persons. Ayon kay Cariño, kailangang ibasura ang 1:20 provision sa RESA Law para masiguro ang pinakamainam na real estate marketing sa bansa at makatulong sa pagresolba ng housing backlog. Ito ay sinang-ayunan ni Benny Cabrieto Jr., dating presidenteng NREA.
“Hindi kami maaaring magbenta ng napakaraming mga yunit ng real estate kung wala kaming sapat na mga ahente, na pinaghihigpitan ng 1:20 rule. Ipinagkakaloob ng batas na ang mga nagtapos lamang ng BSREM (Bachelor of Science in Real Estate Management) ang maaaring mag-apply upang maging isang lisensiyadong broker.” Ayon kay Leuterio, sa 200 na nakapagtapos ng BSREM noong isang taon, 100 lamang ang pumasa ng licensure exam at kalahati lamang dito ang nagsasanay ng real estate.
Ang ABREP, kasama ang ilan sa malalaking industry groups, ay inaasahang isusumite ang kanilang position paper sa Kongreso bago matapos ang taon, at inaasahang mapag-uusapan sa Kongreso sa Enero sa susunod na taon, ayon kay Divina Law Senior Partner Atty. Estrella Elamparo. “Ang kilusang ito ay inilaan upang gawing mas inclusive ang industriya para sa lahat ng mga Filipino. Ang kailangan namin ngayon ay ang pagkakaisa ng lahat upang mabigyang boses ang mga nasa industriya. Ito ang dahilan kung bakit nanawagan kami sa mga nasa gobyerno upang gawing mas inclusive ang RESA para sa lahat ng mga Filipino,” sabi pa ni Leuterio.
Comments are closed.