PRO SPORTS SUMMIT SA DEC. 5

on the spot- pilipino mirror

MAY pagkakataon – kahit isang araw lamang – ang mga sports leader, stakeholder at atleta – na makibalita at makapagtanong sa mga pinakabagong kaganapan sa professional sports sa gaganaping Philippine Professional Sports Summit ng Games and Amusements Board (GAB) sa Disyembre 5 via Zoom teleconference.

Nakatakda ang virtual summit sa alas-9 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.

Inaasahan din ang malayang talakayan, higit sa mga nakalinyang plano ng GAB para sa tuluyang pagbabalik-aksiyon ng professional sports na halos walong buwan ding sumadsad dulot ng ipinatupad na lockdown ng pamahalaan para labanan ang COVID-19 pandemic.

Target din sa isang araw na programa na makuha ng GAB ang iba pang hinaing at pangangailangan ng sector, higit ng mga atleta na lubhang naapektuhan ang kabuhayan dahil sa pandemic at nagdaang super typhoon Rolly at Ulysses na nanalasa sa buong Luzon.

“Ito po ang ikalawang Sports Summit ng GAB, medyo kakaiba lang sa nakalipas na taon dahil sa ipinatutupad na ‘safety and health’ protocol. Pero kahit sa online lang po tayo, makakaasa po ang ating mga stakeholders na didinggin  ng GAB ang anuman pong hinaing o pagbabago na nais ng marami para sa kapakanan ng pro sports at mga atleta,” pahayag ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra.

Ikinatuwa ni Mitra na sa kabila ng dinaranas ng bansa sa kasalukuyan, nagdesisyon ang ilang organisasyon na maipagpatuloy ang kanilang programa para sa sports development kaagapay ang GAB.

“Natutuwa po tayo at kahit may pandemic, hindi po tumitigil ang ating mga stakeholders sa kanilang programa at nagpapasailaim sila sa regulasyon ng pamahalaan. Ito po at ang iba pang dapat gawin ang atin pong pag-uusapan sa Summit,” ayon sa dating Palawan Governor at Congressman.

Sa nakalipas na anim na buwan, nagsumite ng kanilang aplikasyon para maging professional leagues ang National Basketball League (NBL), Women’s National Basketball League (WNBL), Chooks-to-Go 3×3, Professional Chess Association of the Philippines (PCAP) at ang Premier Volleyball League (PVL).

Inimbitahan ni Mitra ang stakeholders na makiisa sa Summit. Sa mga interesado, magparehistro online sa GAB: https://docs.google.com/…/1FAIpQLSe-Fr…/viewform…

o0o

Pinatunayan ni Calvin Abueva na nais niyang tulungan ang kanyang team, ang Phoenix Fuel Masters. Wala si Matthew Wright dahil sa iniindang injury nito. Kaya naman todo kayod ang tubong-Angeles Pampanga para itabla ang kanilang serye ng TNT Tropang Giga sa semifinals. Habang isinusulat natin ang kolum na ito ay muling nagsasagupa ang dalawang koponan para sa Game 3 ng best-of-five semifinals series. Si Abueva ang napiling ‘best player of the game’ sa Game 2. Congrats!

Comments are closed.