PRO5 DIRECTOR, 2 PA INILIPAT NG PUWESTO

BICOL-INILIPAT ng puwesto ang kasaluku­yang PNP Police Regional Office 5 Director at dalawa pang star rank police officer nang muling magpatupad ng panibagong round ng balasahan si PNP chief Dionardo Carlos.

Kahapon nagsimulang manungkulan sa kani-kanilang mga bagong position sina dating PRO5 Director BGen. Jonnel Estomo na itinalaga bilang bagong deputy director for PNP Logistics.

Si Estomo ay hinalinhan ni BGen. Mario Reyes na dating director ng Logistics Support Services (LSS) bilang bagong Bicol PNP chief.

Habang si dating Logistics Deputy Director BGen. Lorenzo Detran Jr naman ang itinalaga bilang director ng LSS.

Nabatid na ibinaba ang relief order nitong Sabado at kahapon isinagawa ang change of office o turn-over ceremony.

Nabatid na muling nagpatupad ng balasahan ang pamunuan ng PNP matapos na maglabas ng re-assignment ang liderato ng PNP sa kanilang mga personnel na may mga kamag anak na kandidato sa May 9 elections.

Isang opisyal naman ang nagsabing maaaring temporary lamang ang puwesto na ibinigay kay Estomo at muli itong itatalaga regional officer matapos ang eleksyon. VERLIN RUIZ