CAMP CRAME – INAASAHANG ngayong linggo ay sisimulan na ang pag-iimbestiga sa 357 pulis na kabilang sa drug watchlist na hawak ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagkakasangkot umano sa droga, ayon kay Philippine Na-tional Police (PNP) Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa.
Paglilinaw naman ni Gamboa, kumikilos na ang Regional Adjudication Board (RAB) hinggil sa nasabing listahan at maaari ngayong araw ay simulan ang imbestigasyon.
“Probably tomorrow (Pebrero 13) magsimula na ang regional adjudication board,” ayon kay Gamboa.
Sakali namang matapos ang imbestigasyon ng RAB ay ipapasa ito sa National Adjudication Board na pamumunuan ng The Deputy Chief for Administration.
Samantala, paglilinaw ni Gamboa, sakaling magsimula na ang imbestigasyon sa 357 cops under investigation (CUI) ay hindi na maaaring magpasa ng optional retirement ang mga ito.
Una nang nag-offer si Gamboa na maaagang retiro ang sinumang kasama sa nasabing drug watchlist upang mapagaan ang kanilang trabaho.
Hindi rin aniya siya maghihintay sa mag-a-avail ng retirement dahil mayroon siyang itinakdang deadline para rito.
“Kapag nagsimula kasi ‘yung adjudication, at alam n’yo parang sa proseso ‘yan sa korte na kapag nagsimula nang mag-isip ang huwes ay limitado na ang mga puwede mong i-offer na evidence,” paliwanag ni Gamboa.
Inihayag din ni Gamboa na sa nasabing numero, may 43 na ang nag-AWOL (absent without official leave) na maaaring kasuhan ng administratibo o hiwalay na kaso.
Kaya inaasahang mababawasan ang kanilang ia-adjudicate sa mga susunod na araw. EUNICE C.
Comments are closed.