LAGUNA – INUMPISAHAN na ng binuong Special Investigation Task Group Bell 429 ng Philippine National Police (PNP) ang imbestigasyon sa pagbagsak ng sinakyang helicopter ni CPNP Chief Gen. Francisco Archie Gamboa sa Brgy. San Antonio sa Lungsod ng San Pedro noong Huwebes ng umaga.
Sa pagtungo ni Lt. Gen. Guillermo Eleazar, ang PNP Deputy Chief for Operation, sa crash site ay kasama nito ang iba pang opisyal para sumailalim sa pagsusuri.
Isinagawa ang masusing imbestigasyon nito sa ilalim ng pamunuan ng Civil Aeronautics Aviation Authority of the Philippines (CAAP) matapos ang ginanap na komperensiya ng mga ito sa lugar.
Sinabi rin ni Eleazar na walang black box ang 6 seater Bell 429 na sana’y nakapagrekord ng pagbagsak nito.
Gayunman, ipinaliwanag naman na sadyang ganoon ang specification ng nasabing chopper.
Sinabi rin ng heneral na wala siyang timeline para matapos ang imbestigasyon.
Una nang napaulat na bunsod ng alikabok ay nag-zero visibility kaya hindi napansin ng piloto ang live wire dahilan nang pagbagsak nito.
Samantala, umangal na rin ang mga residente sa Brgy. San Antonio sa nakahambalang na chopper dahil hindi madaanan ang kalsada. DICK GARAY