CAMP CRAME – BAGAMAN bago sa pandinig, pinaiimbestigahan na ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Oscar Albayalde ang umano’y anti-communist group na Kawsa Guihulnganon Batok Komunista (KAGUBAK) sa Negros Oriental.
Inamin ni Albayalde na wala siyang ideya hinggil sa nasabing anti-communist group.
Sa tala, hawak umano ng grupo ang hit list kung saan nasa lima hanggang 15 indibidwal na ang napapatay ng grupo.
“Personally first time ko narinig ‘yan pero wala ring report din ‘yung ating regional director diyan or even the provincial director on the existence of that alleged death squad. We will investigate that. I will have to talk to the PD there kasi bago ‘yung PD natin doon and I would have to talk with the RD kung totoo ‘yung existence ng death squad,” ayon kay Albayalde.
Magugunitang sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order noong Martes kaugnay sa serye ng mga patayan sa Negros Oriental, unang narinig ang KAGUBAK group.
Pinaniniwalaang ang grupo ay nagsasagawa ng “purging” at sila mismo ang pumapatay sa kapwa nila kasamahan. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM