PROBE SA MISSILES NG CHINA, ISASAGAWA NG SENADO

PLANO ni Senate President Koko Pimentel na magsagawa ng imbestigasyon ang Senado kaugnay sa paglalagay ng missiles system ng China sa mga islang pag-aari ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ayon sa senador, dapat na gumawa ng paraan ang Senate Committee on Foreign Relations para tuklasin ang mga nagaganap sa nasabing Isla.

Giit pa ni Pimentel, magsasagawa rin ng pagpupulong ang committee sa Department of Foreign Affairs (DFA) para malaman ang motibo ng China.

Nauna nang ikinabahala ng US ang paglalagay ng anti-ship cruise missiles at surface to air missile system sa Fiery Cross Reef, Subi Reef at Mishief Reef sa Spratly Island.

Ang nasabing Spratly Island ay pinag-aagawan din ng Taiwan at Vietnam.

Binigyan din ng sari­ling pangalan ng Pilipinas ang nasabing mga reef at ito ay ang Kagitingan Reef mula sa dating Fiery, Panganiban Reef mula sa Mishief at Zamora Reef mula sa Subi.

Kaugnay nito, isang resolusyon ang inihain ni Senador Antonio Trillanes para siyasatin ang napaulat na installation ng missile systems.

“Yes, I will file. Ginagawa pa ‘yung resolution pero this is in relation to the reported missile installation and overall militarization by China of the West Philippine Sea,”  ani Trillanes.

Samantala, sinabi naman ni Senador Francis Escudero, hindi siya tutol sa paghahain ng kahit na sinong senador kaugnay naturang planong imbestigasyon. VICKY CERVALES

MISSILE SYSTEM NG CHINA HINDI DAPAT MALIITIN

PINAG-IINGAT  ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang pamahalaan sa inilagay na missile ng China sa West Philippine Sea.

Giit ni Zarate, hindi dapat maliitin ng bansa ang missile na inilagay ng China sa ating teritoryo dahil sa hindi naman ito nakatutok sa bansa.

Ayon kay Zarate, anumang pagganti na gagawin na galing sa Amerika at sa iba pang mga bansa na claimants sa West Philippine Sea ay delikado para sa bansa.

Ang paglawak ng militarisasyon sa West Philippine Sea, may giyera man o wala, ay tiyak na makaaapekto sa seguridad at soberanya ng bansa.

Hinimok ni Zarate ang gobyernong Duterte na humingi ng suporta sa international community at iprotesta ang pagiging agresibo ng China upang matigil na ang militarisas­yon sa West Philippine Sea.     conde batac

 

 

 

 

 

 

 

Comments are closed.