PROBE SA P6.8-B SHABU SMUGGLING

Rep-Robert-Barbers

NAKATAKDANG isalang para sa isang pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs ang mga opisyal ng Bureau of Customs (BoC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kaugnay sa nadiskubreng pagpasok sa bansa ng P6.8 billion na halaga ng shabu kamakailan.

Iginiit ni 2nd District Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng nasabing komite, na  personal niyang ninais na magsagawa pa rin ng imbestigasyon ang kanyang komite hinggil dito partikular para matukoy kung papaanong nagagawa pa ring makapasok sa pantalan ng bansa ang mga ilegal na droga.

Umaasa siyang matutumbok ng kanilang komite ang posibleng ilang butas sa umiiral na panuntunan at regulasyon ng BoC at PDEA na may kaugnayan sa pagbabantay ng illegal drug shipments upang makapaghain sila ng kaukulang panukalang batas para masolusyunan ito.

Magugunita na noong nakaraang Miyerkoles, base umano sa intelligence information na tinanggap ng BOC ay binuksan nito ang isang aban-donadong container van MICP na naglalaman ng dalawang magnetic lifters.

Nadiskubre sa loob ng magnetic lifters ang umaabot sa 500 kilos ng shabu, na nagkakahalaga ng P4.3 billion. Base sa record ng BOC, ang container van ay nagmula sa Malaysia at isang buwan nang nasa bodega ng Manila International Container Port (MICP).

Kaugnay nito ay pinuri ng mambabatas  sina Customs Commissioner Isidro Lapeña sa nasabat na drug shipment noong Agosto 8 at si PDEA Direc-tor General Aaron Aquino sa pagkakarekober din ng ‘smuggled shabu’ sa General Mariano Alvarez, Cavite.

Nitong nakaraang Biyernes, sa isinagawang raid ng PDEA sa isang warehouse sa Lot 1-18 CRS Subdivision, Barangay F. Reyes, General Mariano Alvarez, Cavite, apat na magnetic lifters ang nadiskubre at naglalaman din ng shabu na nasa kabuuang isang tonelada ang dami at may street value na P6.8 billion.

“This latest shabu haul is a big accomplishment on the part of the government’s supply reduction campaign against illegal drugs that continue to proliferate despite the intensified anti-drug operations being implemented under President Rodrigo Duterte’s administration,” sabi pa ng Surigao del Norte congressman.          ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.