PROBE SA PAGKASUGAT NG POLICE INSTRUCTOR, TRAINEE

LA UNION- TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) na iniimbestigahan na nila ang naganap na accidental firing sa isang police instructor at isang trainee sa isang firing range sa lalawigang ito.

Ayon kay PNP (PNP) Chief Police General Dionardo Carlos, pinarerepaso na niya ang mga patakaran sa weapons training sa pagsasagawa ng fire exercises.

Katwiran ni Carlos, ito ay para hindi maulit ang insidente.

Batay sa initial report sa PNP Command Center, nitong Martes, Disyembre 7, sa Regional Traning Center-1 sa Aringay, La Union ay nasugatan sina Police Corporal Benie Dupayat at Patrolman John Conrad Villanueva.

Nagsasagawa umano ng lecture si Dupayat sa Basic Parts of Firearms and Gun Safety Rules sa mga police trainee nang mag-malfunction ang demo gun at pumutok sa kamay ni Dupayat at tumama rin sa binti ni Villanueva.

Dinala ang dalawa sa Caba District Hospital at patuloy na nagpapagaling. REA SARMIENTO