MAHIGIT 500 mag-aaral sa high school at kolehiyo sa Quezon City District 1 ang binigyan ng educational assistance ng Ang Probinsyano Party-list.
Ginanap ang payout sa San Antonio Elementary School sa pangunguna ni Ang Probinsyano Party-list Chief Of Staff Edward Delos Santos sa pakikipagtulungan ng tanggapan ni Quezon City District 1 Congressman Onyx Crisologo.
Isa ang solo parent na si Marivic Rollon sa mga naabutan ng tulong pinansiyal.
Ayon kay Rollon, “Nagpapasalamat kami dahil kahit paano ay makatutulong ito sa pag- aaral ng aking anak na nasa Grade 9 na ngayon”.
Giit ni Delos Santos, “Naiintindihan namin sa Ang Probinsyano Party-list ang kahalagahan ng mga pangarap ng mga mag-aaral at ang importansya na kayo ay patuloy na nangangarap…Nakalulungkot ang nangyari dahil sa pandemya, pero bilib na bilib kami sa mga magulang at mga mag-aaral na patuloy na lumalaban upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng mga estudyante”.
Pangako ni Delos Santos, ipagpapatuloy ng Ang Probinsyano Party-list ang pagbuo ng mga programa at mga batas para matulungan ang ating mga kababayan na matupad ang kanilang mga pangarap.
Hindi ito ang unang pagkakataon na tumulong ang Ang Probinsyano Partylist sa mga taga- Quezon City.
Una na silang naghatid ng mga ayuda para sa mga residente ng Unang Distrito ng Quezon City na apektado ng Covid-19 pandemic.
Bukod sa Quezon City, umabot din hanggang sa Alfonso, Cavite ang tulong ng Ang Probinsyano Party-list.
Nitong Martes, Nobyembre 17, pinangunahan ni Delos Santos at ng mga opisyal ng Cavite ang pagpapasinaya sa bagong barangay hall sa Santa Teresa, Alfonso na handog ng Ang Probinsyano Party-list sa pakikipagtulungan ni Cavite 8th District Congressman Abraham “Bambol” Tolentino.
Nagpapasalamat si Delos Santos sa tanggapan nina Tolentino at Alfonso, Cavite Mayor Randy Salamat sa kanilang pakikipagtulungan gayundin sa suportang ibinibigay nila sa Ang Probinsyano Party-list.
Ayon kay Delos Santos, “ simbolismo ito ng bago at maayos na pasilidad para mas mapagsilbihan nang mabuti ang mga mamamayan. Simbolismo rin ito ng pag-asa na lalo pang mapaunlad ang serbisyo sa Alfonso, Cavite”.
Labis naman ang pasasalamat ni Mayor Salamat sa patuloy na pagsuporta sa kanila ng Ang Probinsyano Party-list.
Matapos ang inagurasyon, personal namang kinumusta ni Delos Santos ang mga magsasaka sa Alfonso, Cavite na binigyan nila ng bigas at itlog. “Isa po talaga sa priority sectors namin ang mga magsasaka at ang agriculture. Ito po ang paraan namin ng pagpapasalamat sa kanila sapagkat napakahirap ng pinagdaanan nila dahil sa pandemya, pero patuloy pa rin sila sa pagtatrabaho”.
Ilang panukala na ang inihain ng Ang Probinsyano Party-list sa Kongreso para makatulong sa mga magsasaka.