(ni CT SARIGUMBA)
KALIWA’T kanang pagsubok ang maaaring dumating sa buhay ng bawat isa sa atin. Hindi maiiwasan ang mga pagsubok—gawa man ito ng tao o dala ng kalikasan. Kadalasan din, ang mga kinahaharap nating challenges ang nagiging daan para malaman natin ang hangganan ng ating kakayahan at kung gaano tayo kalakas o katapang.
Bawat isa sa atin, iba-iba ang level ng kinahaharap na problema at pagsubok. Gayunpaman, narito ang ilang ways o paraan nang malampasan ang kinahaharap na problema sa buhay:
LAKASAN ANG LOOB AT MAGING POSITIBO
Iba-iba ang ugali ng bawat isa sa atin. May ilan na malakas ang loob. Samantalang ang iba naman ay mahihina. Hindi naman kasi natin masasabing lahat ng tao ay iisa ang pakiramdam at pag-iisip. Sadyang may pagkakaiba, hindi lamang sa hitsura at katayuan sa buhay kundi maging sa paniniwala at pag-iisip.
Maraming pagsubok ang maaaring dumalaw sa ating buhay kaya’t dapat na maging handa tayo.
Dapat ay alam natin o may kakayahan tayo kung paano ito malalampasan o mahaharap.
Oo, hindi basta-basta nakukuha ang lakas ng loob. Pero kung sasanayin natin ang ating mga sarili, paunti-unti ay magkakaroon din tayo nito.
Kaya naman, sanayin na ang sarili at itatak sa isip na dapat ay mayroon kang lakas ng loob. Lakas ng loob para maharap mo at malampasan ang bawat problema.
At sa kabila din ng nararanasang challenges, panatilihin ang pagiging positibo.
MAG-FOCUS AT MAG-ISIP NG PARAAN
Kapag malungkot ang isang tao, nagmumukmok. Kapag iniwan o hiniwalayan ng karelasyon, gustong umiyak nang umiyak o kung minsan pa nga ay umiinom ng alak para makalimot.
Natural ang ganitong pakiramdam at aksiyon. Ito kasi ang mga paraan na alam natin upang kahit na papaano ay mawala sa puso at isip ang sakit o problemang kinahaharap.
Oo, okay lang ang magmukmok at umiyak. Pero huwag naman iyong sobra-sobrang pag-iyak at pagmumukmok ang gagawin mo. Iyong tipong iti-nigil mo na ang buhay mo dahil lang sa problemang kinahaharap.
Walang mabuting maidudulot ang pagmumukmok o ang pag-iyak. Ang mas magandang gawin ay ang mag-focus at ang mag-isip ng paraan kung paano malalampasan ang kinahaharap na pagsubok.
Halimbawa ay malungkot ka. Imbes na ang magmukmok ay gumawa ng paraan para dumantay ang ngiti sa labi at pisngi. Puwede kang lumabas kasama ang pamilya o kaya mga kaibigan. Kung hindi mo naman trip na lumabas na mayroong kasama, puwede kang manood ng mga kinatutuwaan mong palabas nang mag-isa.
Kumbaga, gumawa ka ng paraan upang mapabuti ang sarili mo sa kabila ng problema at hindi ang mapasama.
ISIPIN ANG MAS MALAKING HINAHARAP
Sa tuwing lumalaki ang problemang kinahaharap ng marami sa atin, may ilan na ayaw nang lumaban at gusto na lang na sumuko. Mas madali nga naman ang sumuko kaysa sa ang tumayo at lumaban sa buhay.
Pero siyempre, kung susuko ka, ibig sabihin ay titigil na rin ang buhay mo. Na hindi mo na masisilayan ang kaligayahan.
Oo madali lang naman ang sumuko. Pero hindi porke’t madaling sumuko ay susuko ka na. Hindi porke’t simple lang ang umayaw ay aayaw ka na lang agad.
Sa mga problema’t pagsubok na dumarating sa buhay ng bawat isa sa atin, huwag tayong mawalan ng pag-asa. Para magkaroon tayo ng lakas na lumaban, isipin natin ang maganda at malaking hinaharap na naghihintay sa atin. Isipin natin ang mga taong mahalaga sa atin.
MAGTIWALA AT MAGDASAL
Malaki man o maliit ang problemang kinahaharap ng bawat isa sa atin, huwag nating kalilimutan ang magdasal at ang magtiwala sa Diyos.
Tandaan natin, lahat ng problema ay nangyayari ng may dahilan. Lahat din ng problema, may nakalaang solusyon. At ang solusyon sa problemang kinahaharap natin, iyon ang hanapin natin.
Maraming pagsubok ang buhay. Pero sabihin mang tila nasa bingit ka na ng buhay, huwag sumuko. Tumayo. Bumangon. Lumaban. (photos mula sa inc.com, kvanb.com, governmentnews.com.au)
Comments are closed.