PROBLEMADO ang buong Central Luzon sa kakulangan ng mga tauhan o trabahador sa mga rice milling kung kaya naaantala ang pag-supply ng bigas sa Metro Manila at iba pang lugar.
Kinumpirma ito ng National Food Authority (NFA) at commercial rice traders sa Central Luzon na nakararanas ng ilang problema.
Bukod dito, nagkakaroon din umano ng problema sa checkpoints sa mga dinadaanan ng mga nagde- dedeliver ng bigas.
Nabatid na may sapat na palay ang Central Luzon ngayong panahon ng anihan.
Subalit nananatiling malaking problema na maidaan sa proseso ang mga aning bigas dahil sa malaking kawalan ng mga tauhan dulot ng ipinatutupad na enhanced community quarantine sa kanilang mga lugar kung kaya walang makapag-report sa trabaho na nagdulot ng pagkapilay sa operasyon ng mass public transport, aberya sa checkpoints at iba pa.
Sinabi ni NFA Administrator Judy Carol Dansal na ang mga stock ng palay na binili ng NFA sa Central Luzon ay nagkakaroon ng aberya, partikular sa pagproseso nito para maging bigas na pinoproblema ng karamihan sa mga private rice miller, gayundin ang hauling ng grains kasama ang pagdispose ng rice by-products.
Sinabi naman ni Rose Dalangin, presidente ng Golden City Business Park Association sa Bocaue, Bulacan, na isang major rice trading center sa Metro Manila, na simula nang ipatupad ang ECQ, ang kanilang mga manggagawa at tauhan ay kapuna-punang humina ang rice production outputs kung saan natapyasan ng halos 30 porsiyento hanggang 50 porsiyento ang kanilang normal operations.
Apela ng mga trader na magkaloob sana ng shuttle service para sa kanilang rice mill workers upang maipagpatuloy ang kanilang operasyon at makamit ang malaking rice demands ng local government units para sa kanilang mga isinasagawang relief operations, bukod pa sa normal daily rice requirements ng public consumers. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.