HINDI maitatanggi ng marami ang katotohanan na hindi lang krisis pangkalusugan ang idinulot ng pandemya sa buong mundo.
Sa Pilipinas na ilang taon nang pinapasan ang problema sa basura, winasak ng panibagong krisis ang kapaligiran dahil sa dami ng basurang plastik.
Ang masaklap, hindi lang basta mababang uri ng plastik ang kakalat-kalat sa iba’t ibang lugar kundi maging ang mga matitibay at matagal mabulok.
Marami ring lulutang-lutang sa dagat at yamang-tubig.
Halos dalawang taon na kasi ang itinatakbo ng pandemya.
Kaya sandamukal nang basura ang nalikha nito.
Sa unang bahagi pa lamang ng lockdown sa Luzon noong nakaraang taon, aba’y gumawa na agad ito ng ubod ng daming basura.
Panay take-out kasi ang mga tao.
Food delivery ang inasahan at pawang sa plastic tray inilalagay ang mga order na pagkain.
Lumakas man ang kita ng plastic manufacturers sa paggawa ng mga plastic food tray, bumigat naman ang problema ng lahat sa basura.
Kahit tigil-operasyon ang ilang pabrika, tuloy-tuloy sa pag-arangkada ang plastic manufacturers dahil kailangan ng mga restoran ang kanilang produkto, hindi lang food tray kundi maging ang kutsara’t tinidor, cup straw, stirrer at iba pang single-use plastics.
Ilang araw na ring ipinatutupad ng gobyerno ang non-mandatory use ng face shields dulot ng bumababang kaso ng COVID-19 sa iba’t ibang panig ng bansa.
Malaking ginhawa ito para sa mga commuter.
Aba’y milyon-milyong commuters sa mga lugar na nasasailalim sa Alert Levels 1, 2 at 3, gaya ng Metro Manila, ang tiyak na magbebenepisyo rito.
Sa totoo lang, ‘yung mga tsuper ay napipilitan lang masuot ng face shield sanhi ng ipinatutupad na health protocols noong una.
Kahit mismong ang Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force (IATF) ang nagmandato, para sa ilang sektor ay wala naman daw siyentipikong patunay na epektibo ito laban sa virus.
Mahigit isang taon ding ipinatutupad sa bansa ang pagsusuot ng face shield.
Kahit ganito ang sitwasyon natin ngayon, dapat manatiling alerto at mag-ingat dahil nananatili pa rin ang banta ng coronavirus.
Ang masama nga lang, ilang araw makaraang gawing boluntaryo ang pagsusuot ng face shield, namumutiktik na agad ang mga ibinasurang face shield sa mga kalsada at estero.
May mga lumilipad galing sa jeep at bus habang may mga inaanod naman sa kanal at ilog.
Pinayuhan tuloy ng ilang environmental groups ang publiko na puwede pa namang itabi ito.
Kahit abutin pa raw ng ilang taon ang face shield, hindi ito masisira.
Para sa kanila, mas safe ito kaysa ibasura at magdagdag pa ng problema sa bansa.
Sandamakmak na nga naman ang mga plastik na hindi natutunaw at nakabara sa mga daluyan ng tubig.
Ginagawa namang hollow blocks ang mga gamit nang face shields sa isang barangay sa lungsod ng Quezon.
Dinudurog daw ito nang pinong-pino saka inihahalo sa semento at buhangin.
Dapat silang tularan sa mga ginagawa nila.
Aba’y nararapat ang madisiplinang pagtatapon ng basura lalo ngayong may pandemya.
Kahit pa ang mga nangongolekta ng basura o basurero ay wala nang pakialam dito.
‘Yung dinadampot lang nila ay ang mga nakalagay daw sa mga sisidlan o trash bins.
Nakalulungkot isipin na bukod sa maaaring panggalingan ng sakit ang mga itinapong face masks at face shields ay dahan-dahan na rin nitong nilalason ang tubig.
Hindi lang ito banta sa buhay ng mga lamang-dagat tulad ng isda kundi maging sa mga mamamayan.
Kung maaari, huwag munang ibasura ang ating face shields at itago na lang muna ang mga ito.
Kapag naitapon pa natin ito sa maling lugar, tiyak na hahantong ito sa mga estero, ilog o sapa, hanggang sa dagat.
Tiyak na mawawasak ang ating kapaligiran at lalala ang plastic pollution.
Huwag nating iasa ang lahat sa gobyerno.
Puwede tayong maging bahagi ng solusyon.
Kung hindi ito masosolusyunan sa lalong madaling panahon, magiging ga-bundok ang problemang
haharapin natin sa mga susunod pang taon.
Lalong magiging kawawa ang mga Pilipino na malulunod sa sandamukal na plastik na basura.