INAASAHAN ng Philippine National Police (PNP) na tuluyan nang mawawakasan ang problema sa droga sa susunod na administrasyon.
Ayon kay PNP Director for Operations Major General Valeriano de Leon, base ito sa naging pahayag ni President-Elect Bong Bong Marcos na itutuloy ng kanyang administrasyon ang nasimulan ng administrasyon ng Pangulong Duterte sa kampanya kontra droga.
Sinabi ni De Leon na ngayon pa lang ay pinaghahandaan na ng PNP ang pinag-ibayong “war on drugs” sa pamamagitan ng pagpapalakas sa PNP- Drug Related Data Integration Generation System (DRDIGS) sa pangunguna ng Directorate for Operations.
Paliwanag ni De Leon ang DRDIGS ang magsisilbing digital library ng lahat ng impormasyon sa buong bansa tungkol sa kampanya kontra droga na kapag fully operational na ay magpapahintulot ng mas epektibong real-time management ng mga operasyon.
Aniya, kasama rin sa database ang pag-monitor ng rehabilitasyon ng mga drug users bilang bahagi ng demand-reduction strategy; na kasabay ng supply-reduction strategy ng paghahabol sa mga sindikato ng droga. EUNICE CELARIO