(ni CT SARIGUMBA)
LAHAT tayo, nag-aasam na humaba ang ating mga buhay. Gusto nga naman nating ma-enjoy ang kagandahan ng mundo. Pero kung hindi tayo magiging maingat sa ating katawan, maaaring ang kagustuhan nating iyon ay hindi mangyari. Sa panahon pa naman ngayon, napakarami nang naidudulot na hindi maganda ang mga bagay-bagay.
Mahirap ang magkasakit dahil hindi lamang tayo ang maaapektuhan kundi maging ang mga mahal natin sa buhay. Mapupunta lang din sa ospital ang pinaghirapan natin ng mahabang panahon. Kaya tuloy, marami ang ayaw na ayaw magpatingin o magtungo sa ospital dahil sa panghihinayang sa ga-gastusin lalo na kung may makitang sakit o problema sa katawan.
Sa bagay, mahirap nga namang magpaospital lalo na kung wala kang sapat na halagang nakalaan para roon. May mga tao ring mas lalong nagka-kasakit kapag nalaman nilang may dinaramdam sila.
Kapag hindi natin iningatan ang ating katawan, hindi maiiwasang magkaroon tayo ng iba’t ibang problema o sakit. Kaya naman, para mapanatili natin na healthy ang ating pangangatawan, narito ang ilang tips na kailangan ninyong malaman o dapat subukan:
SIKAPING MAG-EHERSISYO SA ARAW-ARAW GAANO MAN KAABALA
Kaabalahan o maraming gawain, iyan sa laging idinadahilan ng maraming indibiduwal kaya’t hindi nila nagagawang mag-ehersisyo. Tunay nga na-mang maraming ginagawa ang bawat isa sa atin. Gayunpaman, mahalaga pa ring mag-ehersisyo sa araw-araw sabihin mang kaliwa’t kanang gawain ang ating kinahaharap.
Sa simula rin, ganadong-ganado tayong mag-ehersisyo. Pero kapag tumagal na, nakababagutan na natin. Minsan din, kung kailan natin maisipan ay saka lamang natin ginagawa. May mga bagay na puwede nating ipagpaliban, pero ang pag-eehersisyo sa araw-araw ay isa sa dapat na ginagawa natin. Nakapapagod at nakatatamad kung iisipin mo.
Pero para sa kapakanan mo rin ang gagawin mo. Marami ka rin namang puwedeng pagpilian. Puwede ka rin namang magsimula sa mga simpleng workout lang gaya ng paglalakad, pagba-bike o kaya ay ang pagsu-swimming.
Kumbaga, para mapanatili at magawa mong mag-ehersisyo sa araw-araw, piliin mo ang exercise na gusto mo. Pagsikapan mo ring gawin iyon araw-araw, hindi iyong kung kailan mo lang maisipan o magustuhan.
HEALTHY DIET
Isa pa sa napakaimportante ay ang healthy diet. May ugali ang marami sa atin na kung ano ang nakikitang pagkain, kinakain. Walang pili-pili. Katuwiran natin, wala naman tayong nararamdamang masama sa ating katawan.
Okey, sabihin na nating wala kang masamang nararamdaman, pero hihintayin mo pa bang may maramdaman kang masama at hindi maganda sa katawan mo bago ka maalarma?
Ngayon pa lang, maging maingat na tayo sa ating kinakain nang mapanatiling healthy ang katawan at hindi na tayo mamroblema sa hinaharap.
IWASAN ANG STRESS
Stress, iyan ang isa sa problema ng marami sa atin. Mahirap nga namang maiwasan ito. Kaakibat na natin ito sa araw-araw.
Gayunpaman, kahit na mahirap, gumawa tayo ng paraan para mabawasan ang nadarama nating stress. Maraming masamang epekto ang naidudulot sa atin ng sobrang stress gaya na lamang ng pagtaas ng blood pressure. Nagiging dahilan din ang stress ng mental health problems gaya ng depression. Kaya, mag-relax. Gumawa ng paraan para ma-relax hindi lamang ang iyong katawan kundi maging ang iyong isipan.
LIMITAHAN ANG PAG-INOM NG ALCOHOL
May mga pag-aaral na nagsasabing ang pag-inom ng tamang dami ng alcohol ay may naidudulot na magandang benepisyo sa atin. Pero hindi lahat ng klase ng alak ay may magandang benepisyo sa katawan. Hindi rin porke’t may mga pag-aaral na nagsasabing may mabuting benepisyo ang pag-inom ng alak ay iinom na tayo nang iinom.
Tandaan natin na lahat ng sobra ay nakasasama. Kaya para makamit ang masigla at malakas na pangangatawan, matuto tayong limitahan ang pag-inom ng alak.
SAPAT NA PAHINGA
Maraming trabaho. Hindi matapos na mga gawain. Hindi puwedeng ipagpaliban o itigil ang pagtatrabaho. Iyan ang laging dahilan kaya’t marami sa atin ang napupuyat.
Ang ilan naman, nagsasaya kasama ang mga kaibigan. Marami ring masamang naidudulot ang puyat kaya isa ito sa dapat nating iwasan para manatili tayong malusog at masigla. Bigyan mo ng panahong makabawi at makapagpahinga ang iyong katawan. Hangga’t maaari, magpahinga ka ng sapat.
REGULAR NA MAGPATINGIN
Nakasanayan na ng marami sa atin na saka lamang nagpapatingin kung may nararamdaman nang hindi maganda sa katawan. Tandaan natin, hindi porke’t wala tayong nararamdaman, masasabi na nating malakas tayo. Para makatiyak, regular tayong magpatingin. Mas maganda na iyong nakasisiguro tayo kaysa sa magsisi tayo sa bandang huli.
Marami tayong kailangang gawin para mapanatili nating malakas at malusog ang ating pangangatawan. Kaya naman, piliin nating maging healthy para mas ma-enjoy natin ang buhay kasama ang ating mahal sa buhay. (photos mula sa beaumont.org, pickthebrain.com, go.shaklee.com, fitbynet.com)
Comments are closed.