(Ni CS SALUD)
MAHIRAP ang magkasakit lalong-lalo na sa panahon ngayon na napakahirap ng buhay at patuloy ang pagtaas ng mga bilihin at serbisyo.
Kaya naman, para mapanatili natin na healthy ang ating pangangatawan o maiwasan nating mahawa ng mga nagkalat na sakit sa paligid, kailangang maging maingat tayo.
Narito ang ilang tips nang maiwasan ang pagkakaroon ng problema sa kalusugan:
UGALIIN ANG PAG-EEHERSISYO ARAW-ARAW
Sa simula, ganadong-ganado tayong mag-ehersisyo. Pero kapag tumagal na, nakababagutan na natin ito.
Minsan din, kung kailan natin maisipan ay saka lamang natin ginagawa. May mga bagay na puwede nating ipagpaliban, pero ang pag-eehersisyo araw-araw ay isa sa dapat na ginagawa natin. Nakapapagod at nakatatamad kung iisipin mo.
Pero para sa kapakanan mo rin ang gagawin mo. Marami ka rin namang puwedeng pagpilian. Puwede ka rin namang magsimula sa mga simpleng workout lang gaya ng paglalakad, pagba-bike o kaya ay ang pagsu-swimming.
Kumbaga, para ma-maintain at magawa mong mag-ehersisyo araw-araw, piliin mo ang exercise na gusto mo. Pagsikapan mo ring gawin ito araw-araw, hindi iyong kung kailan mo lang maisipan.
Sa pag-eehersisyo, kailangan natin ng disiplina upang magawa natin ito ng regular.
HEALTHY DIET
Isa pa sa napakaimportante ay ang healthy diet. May ugali ang marami sa atin na kung ano ang nakikitang pagkain, kinakain. Walang pili-pili. Katuwiran natin, wala naman tayong nararamdamang masama sa ating katawan. Okey, sabihin na nating wala kang masamang nararamdaman, pero hihintayin mo pa bang may maramdaman kang masama at hindi maganda sa katawan mo bago ka maalarma?
IWASAN ANG STRESS HANGGA’T MAAARI
Stress, iyan ang isa sa problema ng marami sa atin. Mahirap nga namang maiwasan ito. Gayunpaman, kahit na mahirap, guma-wa tayo ng paraan para mabawasan ang nadarama nating stress.
Maraming masamang epekto ang naidudulot sa atin ng sobrang stress gaya na lamang ng pagtaas ng blood pressure. Nagiging dahilan din ang stress ng mental health problems gaya ng depression. Kaya, mag-relax. Gumawa ng paraan para ma-relax hindi lamang ang iyong katawan kundi maging ang iyong isipan.
Matuto tayong i-handle ng tama ang stress.
LIMITAHAN ANG PAG-INOM NG ALCOHOL
May mga pag-aaral na nagsasabing ang pag-inom ng tamang dami ng alcohol ay may naidudulot na magandang benepisyo sa atin. May mga pag-aaral ngang nagsasabi ng ganoon pero huwag naman nating gawing dahilan ang mga pag-aaral na iyon upang uminom nang uminom. Tandaan natin, lahat ng sobra ay nakasasama.
Iwasan din ang ilan pang mga bisyo gaya ng paninigarilyo.
Kaya para makamit ang masigla at malakas na pangangatawan, matuto tayong limitahan ang pag-inom ng alak, gayundin ang paninigarilyo at iba pang mga bisyo.
SAPAT NA PAHINGA
Maraming trabaho. Iyan ang isang dahilan kaya’t marami sa atin ang napupuyat.
Ang ilan naman, nagsasaya kasama ang mga kaibigan. Marami ring masamang naidudulot ang puyat kaya isa ito sa dapat nating iwasan para manatili tayong malusog at masigla. Bigyan ng panahong makabawi at makapagpahinga ang katawan.
Hangga’t maaari, magpahinga ka ng sapat nang hindi kaagad dapuan ng samu’t saring sakit sa paligid.
REGULAR NA MAGPATINGIN SA DOKTOR
Nakasanayan na ng marami sa atin na saka lamang nagpapatingin kung may nararamdaman nang hindi maganda sa katawan.
Tandaan natin, hindi porke’t wala tayong nararamdaman, masasabi na nating malakas tayo. Para makatiyak, regular tayong magpatingin. Mas maganda na iyong nakasisiguro tayo kaysa sa magsisi tayo sa bandang huli.
HUWAG BABALEWALAIN ANG NARARAMDAMAN
Huwag din nating babalewalain ang nararamdaman natin—sabihin mang simpleng sakit lang iyan.
Marami sa atin ang takot na takot na magpatingin sa doctor kaya’t iniinda o kinakaya na lang ang sakit na nararamdaman.
Pero sabihin man nating takot tayong magtungo sa ospital at magpatingin, makabubuti pa ring malaman ang dahilan ng na-raramdaman natin nang maagapan ito o magamot.
Maraming sakit ang nagsisimula sa simple lang na binalewala ng marami.
Marami tayong kailangang gawin para mapanatili nating malakas at malusog ang ating pangangatawan. At ang mga nabanggit ay hindi naman masasabing matinding pagsasakripisyo dahil para rin naman iyan sa ating kalusugan o mga sarili. Kumbaga, kung healthy tayo mas ma-e-enjoy natin ang ating buhay. Mas magagawa natin ang lahat ng mga gusto nating gawin.
Kaya’t huwag maging pabaya. Maging maingat. Matutong mag-relax, lumabas kasama ang mga kaibig-an at kapamilya. Hinay-hinay lang sa pagtatrabaho. Higit sa lahat, maging masaya sa buhay. (photo credits: health.harvard.edu, naturalrevolution.org, latestly.com)
Comments are closed.