PROBLEMA SA PAGKAIN TUGUNAN

NANAWAGAN si financial analyst Astro del Castillo na tugunan ang problema sa pagkain sa bansa.

Sa idinaos na Experts’ forum ng ALC Media Group ay sinabi ni Del Castillo na kailangang tutukan ang programa sa pagkain dahil halos lahat ng supply ay ini-import.

Binanggit nito ang bigas, karne, asukal at maging ang isda ay galing na rin sa ibang bansa.

Sumisigla na aniya ang ekonomiya dahil sa revenge spending ng publiko matapos ang halos dalawang taon na epekto ng pandemya.

Maganda aniya ito sa ekonomiya, subalit nagbabala pa si Del Castillo na hindi pa tapos ang COVID-19 o ang giyera.

Nakikita naman ng iba pang economic experts na agrikultura ang tugon para magkaroon ng matatag na supply ng pagkain.

Giit ni dating TESDA Deputy General Jo Escartin ay pagtuunan ang agrikultura dahil malaki ang budget ng pamilya sa pagkain araw araw.

Umaasa ito na ang susunod na gobyerno ay lumikha ng trabaho dahil sa kakulangan ng trabaho ay napipilitang lumabas ng bansa ang mga manggagawa.

Pinuna rin nito ang sobrang importasyon ngayon. “We export jobs by importing products,” anito.

Ang forum na ginanap sa DWIZ head office sa Pasig City ay dinaluhan din ng mga kinatawan ng BusinessMirror, Philippines Graphic, PILIPINO Mirror at DWIZ882. SCA