PROBLEMA SA PARKING SA SENADO AAKSIYUNAN

GAGAGAWA ng pro active na hakbang si Senate President Francis “Chiz” Escudero para solusyunan ang problema sa parking at iba pang isyung kinakaharap ng mga kawani ng Senado, gayundin ang mga bumibisita sa kanilang kasalukuyang lokasyon, habang nakabimbin ang paglipat sa New Senate Building sa Taguig City.

Sa flag-raising ceremony noong Lunes, binigyang-diin ni Escudero ang kahalagahan ng pagtitiyak ng sapat na parking facility na matagal nang problema sa lokasyon ng Senado sa GSIS building sa Pasay City.

Para mapagaan ang problemang ito, idinetalye ni Escudero ang ginagawang habang para maisaayos ang parking spaces sa GSIS building, na magsisilbing isang modelo sa plano sa New Senate Building.

“Dito, ano’ng ginagawa natin? Sinisikap nating maayos ang parking ng empleyado’t bisita ng Senado para sa mas maayos na kapaligiran. Kinuha na natin, hiningi natin, at hiniram natin ang lupa ng DPWH sa gawing kaliwa ko para makapagbigay ng humigit kumulang 300 na espasyo para sa parking,” pahayag niya.

Bukod sa paggamit ng lote ng Department of Public Works and Highways, sinabi ni Escudero na patuloy ang negosasyon sa Social Security System para magamit ang bahagi ng lote bilang kanilang parking space sa likod ng GSIS building.

“Sa kabuuan, kaya nating makapagbigay ng humigi’t kumulang 1,400 slots para sa mga nagmo-motor at may sasakyan,” sambit ni Escudero.

“Kaayusan kaugnay sa simpleng paniniwala at prinsipyo ko na maayos dapat ang lugar na pinagtatrabahuan, kapag ka malinis at masinop madalas o palagi magiging malinis, masinop at maayos din ang pagtrato natin sa ating kapaligiran na maaapektuhan din ang ating trabaho,” paliwanag niya.

Sa mga nagdaang linggo, inikot ni Escudero ang bawat tanggapan sa kasalukuyang gusali ng Senado para mas maitindihan ang pangangailangan at alalahanin ng halos 2,000 opisyal at kawani ng institusyon.

Ang mga inisyatibo ni Escudero ay pagpapakita ng kanyang ‘hands-on leadership style’ at ng kanyang dedikasyon para masigurong ang operasyon ng Senado ay nakahanay sa pangangailangan at inaasahan ng kanyang mga staff, at sa huli’y mapahusay ang abilidad ng institusyon na epektibong mapagsilbihan ang publiko.

VICKY CERVALES