PROBLEMA SA TRAPIKO TAPUSIN NA

Senador Sonny Angara-traffic

MATINDING pagkukumpuni, pagpapalawak at paniniguro sa maayos na operasyon ng railway system ang isa sa mga positibong paraan upang maresolba ang patuloy na pagsisikip ng trapiko sa iba’t ibang panig ng bansa, partikular sa Kalakhang Maynila.

Ito ang inihayag ni Senador Sonny Angara, chairman ng Senate Committee on Finance, kasabay ng ­pangakong bubuo siya ng mga solidong paraan upang suportahan ang mga programa ng Department of Transportation (DOTr) na naka­tuon sa traffic decongestion.

Ayon kay Angara, mala­king kaginhawahan ang mga programang ito, hindi lamang sa kapakanan ng mga commu­ter kundi maging ng mga motorista at sa takbo ng ekonomiya.

“Dapat, may mga ser­yosong paraan tayo kung paano ba natin mapagagaan ang trapiko sa Metro Manila. Nakakaawa ang mga commuter na inaabot ng ­ilang oras sa pagpila, makasakay lang sa MRT at LRT o sa mga bus. Nakasisira ito sa kanilang performance sa trabaho dahil malaking oras ang nawawala sa kanila dahil sa ganitong problema,” ani ­Angara.

Sa kasalukuyan, ayon sa senador, ipinatutupad na ang ilang proyekto ng DOTr na nakatutok sa trapiko sa Kamaynilaan, habang isinasaayos pa ang ilan pang programa para rito.

Kabilang sa mga ito ang pagkukumpuni sa MRT-3, ang muling pagpapasigla sa serbisyo ng Philippine National Railways o PNR at ang napi­pintong subway system.

Sa isang budget briefing kaugnay sa P147-B 2020 budget proposal ng DOTr,  umayon si Transportation Secretary Arthur Tugade na susi para mas mapaluwag ang trapiko ang pagpaparami ng tren sa loob at labas ng Metro Manila.

Sa pagtataya ng DOTr, kada tren na may walong bagon ay maaaring makabawas ng 448 sasakyan sa kalsada. Gayunman, ayon sa kalihim, mabigat na trabaho ang railway system rehabilitation sapagkat sa kasalukuyan, mayroon na lamang 77  kilometrong railroad tracks sa buong bansa mula sa 2,400 kms noong 1993.

Ang konstruksiyon naman ng kauna-unahang subway system sa Metro Manila ay nakatakdang pasimulan sa darating na Nobyembre. Ang proyekto ay mag-uugnay sa Mindanao Avenue, Quezon City at sa NAIA Terminal 3 sa Pasay City.

Ang MRT-3 ay isasailalim din sa matinding rehabilitasyon upang mas mapabilis at ligtas ang operasyon nito.

Tinatapos na rin sa kasalukuyan ang LRT-1 extension sa Cavite upang mas mapadali ang pagbibiyahe ng mga nagtratrabaho sa Metro Manila na umuuwi pa ng Ca­vite araw-araw.

Inaasahan ding sa mga darating na panahon ay mabubuhay ang ruta ng PNR mula Maynila hanggang sa mga lalawigan ng Batangas at Sorsogon.

“Natitiyak natin na hindi agad makukumpleto ang lahat ng proyektong ito hanggang sa matapos ang termino ni ­Pangulong Duterte sa 2022. Pero dapat na tayong kumilos ngayon para na rin sa kapakanan at benepisyo ng mga kababayan natin sa mga darating taon,” ani Angara. VICKY CERVALES