PROBLEMADONG PARKING ATTENDANT TUMALON SA CREEK

NAGPASYANG tapusin na ng isang parking attendant ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagtalon sa creek na kung saan may dinadala umanong problema sa buhay kaya hindi na nakipaglaban pa para sagipin ang sarili kamakalawa ng gabi sa Malabon City.

Nakilala ang biktima na si Robin Dequiña, 31-anyos ng Block 30, Lot 3, Phase 3, F1, Langaray St. Brgy. 14, Caloocan City.

Sa pahayag ng saksing si Ariel Sagdullas, tanod ng Brgy. Longos kay police investigators SSg Ernie Baroy at SSg Diego Ngippol, nakita nya ang biktima habang lasing na naglalakad sa kahabaan ng Lapu-Lapu malapit sa Labahita St., Brgy. Longos dakong alas-10:45 ng gabi.

Nang walang sabi-sabing bigla na lamang tumalon sa creek ang biktima kung saan tinangka naman siyang tulungan ng saksi gamit ang isang kahoy subalit, tumanggi naman itong kumapit na nagresulta ng kanyang pagkalunod.

Humingi ng tulong ang saksi sa ilang bystander at sa tulong ng Brgy. Rescuers ay nakuha ang katawan ng biktima mula sa maduming tubig na puno ng basura at tinangka pa itong i-revive subalit, hindi na naisalba pa.

Nagpasya naman ang kapatid ng biktima na si Evangeline Salili, 27-anyos, na hindi na isailalim sa autopsy examination ang bangkay nito.

Nabatid mula sa mga kaanak ng biktina na may kinikimkim umano ito ng sama ng loob sa kanyang pamilya at nagbantang magpapakamatay. VICK TANES