NAGBABADYA ang pagtaas ng presyo ng ilang processed meat products tulad ng hotdog at bacon sa mga darating na buwan dahil sa pangambang humina ang suplay ng baboy dahil sa African Swine Fever (ASF).
Ayon sa Philippine Association of Meat Processors, Inc., posibleng itaas ng 30 hanggang 40 porsiyento ang presyo ng inaangkat na bahagi ng baboy na ginagamit sa bacon. Halos doble naman daw ang pagtaas na inaasahan sa ginagamit sa ham.
Siniguro naman nila na hindi magiging mataas ang presyo pagdating sa retail price o kapag ibinenta na ito sa pamilihan.
“We will not raise that much… We follow the rules of averages. Reality po na kami ay negosyante,” ani PAMPI Spokesperson Rex Agarrado.
“Takot kami to produce a lot tapos hindi naman mabili because of the scare na nangyayari. We will scale down on the production of hams this year. Hams will become smaller,” ani Agarrado.
Plano rin nilang liitan ang ibebentang ham ngayong taon dahil sa mga taas-presyo, dagdag niya.
Nararamdaman na rin ng grupo ang epekto ng malawakang balita sa ASF pero siniguro nilang hindi sila nag-aangkat sa mga bansang apektado nito.
LIGTAS ANG LOCAL PROCESSED MEAT
Inihayag din ng manufacturers na ligtas ang local processed meat sa kabila ng kinatatakutang ASF.
Hindi rin sila naniniwalang dapat limitahan o ipahinto ang pag-aangkat ng baboy.
“We have to clearly equip government with whatever they need to be able to control this,” ani Agarrado.
Nanawagan din ang PAMPI sa gobyerno na linawin ang mga patakaran sa pag-aangkat ng baboy. Handa naman din daw sila na makipag-usap sa Department of Trade and Industry (DTI) tungkol sa presyo ng imported processed meat.
Nakaalerto ngayon ang ilang probinsiya para mapigilan ang pagpasok ng ASF sa mga lugar.
Sa probinsiya ng Rizal, bumuo na ng task force group ang lokal na pamahalaan para bantayan ang lahat ng lagusan ng ilog sa Rodriguez, Rizal.
Kasunod ito ng pagkalat ng mga patay na baboy sa ilang tubigan sa Marikina at Quezon City.
Sinuyod din ng Department of Agriculture ang mga piggery sa Rizal at kinuhanan ng blood sample ang mga baboy na nasa loob ng 7 kilometrong radius mula sa apektadong lugar. Siniguro rin nilang mauubos ang mga baboy sa mga tabing-ilog.
SEGURIDAD SA MGA PROBINSIYA HINIGPITAN
Sa Lagundingan Airport sa Misamis Oriental, nagtalaga ang awtoridad ng mga signage bilang seguridad. Nagpuwesto rin sila ng foot bath para masiguradong walang papasok na virus.
Bawal naman daw sa Iloilo na magpasok ng pork products, alinsunod sa utos ni Iloilo Gov. Arthur Defensor Jr.
Tutulong din ang probinsiya para masigurong walang makapapasok na baboy sa mga pantalan.
Gayundin ang ginawa sa Aurora Province na nagsagawa ng temporary pork ban sa probinsiya.
Ayon kay Provincial Veterinarian Angelo Silvestre, bawal munang magpasok sa probinsiya ng mga baboy nang walang kaukulang papeles.
Hinigpitan din ang animal quarantine checkpoint sa TPLEX.
Dahil sa pagdami ng mga lugar na nagkakaroon ng ASF virus, nais munang ipasuspinde ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura ang pag-angkat sa mga frozen meat para makontrol ang ASF.
Sa ngayon, may importation ban ang Filipinas sa 22 bansang apektado ng ASF.
“Temporary siguro ‘yung i-stop ‘yung importation hanggang maayos ‘yung border natin. Hindi pa rin na-implement up to now ‘yung sinasabing ‘pag dumating ‘yung kargamento, ‘yung quarantine eh nandoon sa border,” ani Rosendo So, pinuno ng SINAG.
Pero umalma naman ang Meat Importers and Traders Association dahil makaaapekto ito sa mga mahihirap.
Lalo lang daw mababawasan ang suplay ng baboy kapag pagbabawalan ang pag-aangkat nito, ani Jess Cham, pangulo ng grupo.
“Imported pork ay talagang kakapusin this year. ‘Yung pisngi, ‘yung jowl, ‘yung lamanloob,” ani Cham.
Umaaray ngayon ang mga maliliit na negosyante dahil kumikita na lamang sila ng P500 mula sa P1,500 dahil sa pangamba sa swine fever.
Umaaray na rin ang mga nagbebenta ng hog feeds o pagkain ng mga baboy dahil sa ASF. Tiniyak naman ng DA na ligtas pa rin ang mga nasa pamilihan.
Tiniyak din ng kompanyang San Miguel Goods na ligtas at walang ASF ang kanilang mga produkto.
Comments are closed.