DAPAT amyendahan ang batas sa pagbili ng pamahalaan upang makabili ang mga ahensiya nito ng kasing husay na kailangan nila sa mababang halaga kapag mataas ang presyong alok ng mga rehistradong bidders o nagbebenta nito.
Ito ang pahayag ni House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda, matapos punahin ng Commission on Audit (COA) ang ilang ahensiya ng gobyerno na bumili ng mga kailangan nila sa presyong ubod ng taas kumpara sa presyong tingi sa mga pamilihan.
“Ang problema ay kahit na makakakuha tayo ng mga kailangan sa higit na murang presyo, kapag hindi rehistrado sa ‘procurement site’ ng gobyerno ang nagbebenta nito, hindi puwedeng bumili sa kanila ang ating mga ahensiya. Bilang panuntunan, wala itong katuturan,” puna ng solon.
Sa ginawang pagdinig ng House Committee on Public Accounts, iniulat ng COA na gumastos ang Department of Health (DOH) ng P11.9 milyon para sa 31 yunit ng ‘videoconferencing equipments’ o mga P380,000 bawat unit nito, samantalang ito’y mabibili naman sa presyong P120,000 o P260,000 higit na mura bawat isa.
“Ang tanging solusyon sa walang katuturang panuntunan ay palitan ito. Dapat hayaan ang diretsong pagbili sa tingi. Madaling isagawa sa programang ‘electronic’ ang pagsala ng mga presyo upang makita ang pinakamura para sa kailangang bilihin. Ito’y nagagawa ng karaniwang mamamayan sa pagbili ng tiket sa eroplano, mga hotel at grocery. Bakit hindi ito magawa ng gobyerno?” giit ni Salceda.
Dapat ding baguhin ang sistema sa pagsuma ng ‘absorptive capacity’ o kakayahan sa wastong paggasta ng isang ahensiya sa badyet nito. Sa ngayon, sabi niya, kapag nakatipid ang isang ahensiya sa isang proyekto nito, “ito’ý pinarurusahan dahil sa mababang ‘absorptive capacity and budget utilization rate’ nito.”
“Ang mga ahensiyang nakakatupad sa layunin at takdang serbisyo nito sa paraang nakakatipid sa pera ng bayan, ay dapat pahalagahan at purihin pa nga, sa halip na parusahan ng pagkaltas sa badyet nito sa susunod na taon,” madiin niyang giit.
Ayon kay Salceda, maaaring pataasin ang antas ng serbisyo at ‘transparency’ ng Procurement Service (PS) ng Department of Budget and Management (DBM), na ang mandato ay bumili ng pangkaraniwang mga kailangan gaya ng papel, ‘electronic’ na gamit, sasakyan at tiket sa eroplano.
Ang problema puna niya, “naging ‘middleman’ ang DBM-PS o tagapamagitan ng mga ahensiya o ‘price aggregator’ na bumibili at nagbebenta ng mga kailangan nila.”
Ipinapanukala ni Salceda na magsilbi ang DBM-PS bilang isang ‘online shopping network’ kung saan ang mga negosyante ay maaaring magbenta ng mga produkto nila sa mga ahensiya ng pamahalaan.
Comments are closed.