PRODUCTIVE 100 DAYS NI ISKO KINILALA

KINILALA kahapon ng iba’t ibang sektor ng lipunan ang unang 100 araw ng panunungkulan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.

Sinasabing naging  produktibo  si Manila Mayor Isko Moreno sa kanyang   unang 100 araw na pagsisilbi  bilang ika-27 alkalde ng Lungsod ng Maynila.

Sa kanyang ulat sa Ba­yan, sa harap ng Manila City Development Council na ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC), inisa-isa ni Moreno  ang kanyang mga ginawang hakbang para simulang maisaayos ang Maynila.

Sa isang video presentation, ipinakita rin ni Moreno ang kanyang mga plano kabilang na   ang gawing  Green City ang Maynila at kung maisasakatuparan ito, ang Arroceros Park ay i-extend hanggang sa  Metropolitan Theatre.

Gayundin ang planong pagtatayo ng gusali para sa Manila Health Department at sa Ospital ng Maynila.

Ipinakita rin ni Moreno ang ginawa niyang pag­lilinis sa Bonifacio Shrine na dating “tae-tae” island na ngayon ay dinadayo nang pasyalan ng publiko at Vitas Slaughter house.

Nilagdaan ni Moreno  ang isang executive order 49 na nag-aatas sa lahat ng barangay at mga tanggapan sa Manila City Hall na magsagawa ng lingguhang clean-up drive.

Hinamon ni  Moreno ang mga punong ba­rangay sa lungsod na isantabi na ang politika at harapin ang bagong hamon na pagkakaisa para sa ikagaganda ng lungsod ng Maynila. VERLIN RUIZ