PRODUKSIYON NG ABAKA LUMAKI DALA NG PINALAWAK NA TANIMAN

ABACA-2

LUMAKI ang produksiyon ng abaka sa bansa nang nakaraang unang tatlong buwan ng 8.8 porsiyento sa  16,256.575 metriko tonelada mula sa 14,937.05 MT ng parehong panahon noong nagdaang taon, dala ng malawakang pagtatanim, ayon sa Philippine Fiber Industry Development Authority (PhilFida).

Sinabi ni PhilFida Executive Director Kennedy T. Costales, na ang ahensiya na nakadikit sa Department of Agriculture (DA) ay nagpalawak ng lugar para sa abaka ng 1,600 ektarya.

Bukod pa rito, dagdag ni Costales na ang mataas na bilihan ng abaka, na naramdaman ng mga magsasaka mula noong nakaraang taon, ay patuloy na iniingganyo ang mga magtatanim na mag-ani ng mas ma­raming natural na hibla ng abaka.

Base sa datos na inilabas ng PhilFida kahapon, nananatili ang Bicol Region na na­ngunguna sa pagpoprodyus ng abaka sa bansa dahil nagtala ito ng 36.5 porsiyento ng total output ng nakaraang tatlong buwan.

Ang output ng abaka sa Bicol Region noong  reference period ay lumawak ng 39.4 porsiyento hanggang 5,939.79 MT mula sa 4,261.025 MT na naita­lang recorded volume ng Enero hanggang Marso ng 2018.

Ang double-digit na paglago sa Bicol Region ay dala ng pagbawi ng taniman ng abaka sa  Catanduanes na nakaranas ng malaking pagka­lugi noong mga nagdaang taon dahil sa bagyo.

Ang produksiyon ng abaka sa Catanduanes lamang ay umabot sa 4,866.24 MT, 25 porsiyento na lagpas sa  3,893.14 MT na naiprodyus nito sa unang tatlong buwan ng nagdaang taon, ayon sa datos na ipinakita ng PhilFida.

Sinabi ni Costales, na ang pagdami ng produksiyon sa unang tatlong buwan ng taon ay makapagbibigay ng sapat na kailangan ng buong taon at ang total na produksiyon ng abaka ngayong taon ay maaring umabot sa all-time high na 80,000 MT.

“If the present trend continues further up to the end of December 2019, we project to surpass and break our 2008 all-time-high abaca fiber production record over the past 25 years of 77,389.10 metric tons and also project to breach the 80,000 metric tons confidence level this year,” aniya.

Ang double-digit na paglago ng Bicol Region kasama ang 109.8-porsiyentong produksiyon na dagdag sa  Western Visayas at ang 22.4 porsiyento sa Central Visayas ang nagpalutang sa bumabang output sa 8 iba pang rehiyon.

Ang produksiyon ng abaka sa Filipinas, ang nangungunang producer ng natural fiber ay tumaas ng 6 porsiyento ng year-on-year sa 2018, habang sinisikap ng mga magtatanim na masuplayan ang tumataas ding global demand para sa abaka.

Ipinakita ng datos ng  PhilFida na ang produksiyon ng abaka noong nagdaang taon ay umabot sa 76,259.38 MT, 4,313.34-MT na dagdag sa 71,964.04 MT na nairekord noong 2017. JASPER EMMANUEL Y. ARCALAS

Comments are closed.