BUMABAGSAK ang produksiyon ng isda sa bansa sa gitna ng territorial disputes sa South China Sea, base sa report ng Philippine Statistics Authority, ayon sa maritime affairs expert na iprinisinta sa isang forum kamakailan.
“From 1.2 million metric tons (in 2009) bumagsak na po to 934,000 (2018),” pahayag ni University of the Philippines Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea director Jay Batongbacal.
Ayon kay Batongbacal, mayroong nakukuha sa West Philippine Sea na 10 hanggang 20 porsiyento ng fisheries production. Iniugnay niya ang pagbagsak ng produksiyon sa kasalukuyang sigalot sa China at ibang bansa sa teritoryo.
“Isipin niyo na lang, kung ito ay ise-share nila sa mas malaking fishing fleet katulad ng sa China, e lalo pang bibilis ‘yung pagbagsak,” sabi pa niya.
Sinabi ni Batongbacal na ang isang Chinese fishing fleet ay makakukuha ng 12 metric tons ng isda sa isang araw.
Sa Subic Reef and Mischief Reef, may nai-report na 300 Chinese fishing vessels, na nangangahulugan na ito ay makakukuha ng 1.2 million metric tons ng isda sa isang taon—katumbas ng taunang produksiyon ng Filipinas noong 2009.
Ang China ay may 15,000 fishing vessel, ani Batongbacal.
“May moratorium sa issuance ng fishing vessel licenses dito sa atin since 2014. So technically, ‘yung number ng fishing vessels natin even the commercial ones hindi nadadagdagan,” sabi pa ni Batongbacal.
“Ibig sabihin hindi tayo ‘yung dumarami sa West Philippine Sea,” dagdag pa niya.
Comments are closed.