HINDI lamang natutuyuan ang pinagkukunan ng tubig at sumisirit ang temperatura sa mundo dahil sa El Niño, kundi naaapektuhan din nito ang produksiyon ng itlog sa bansa, ayon sa Philippine Egg Board Association.
Sinabi ni Egg Board president Francis Uyehura na dahil sa matinding init ay humihina sa pagkain ang mga manok, na nagreresulta sa mas kaunti at mas maliliit na itlog.
“Generally, lahat ng farm producer ay nakakaranas na ng problema sa sobrang init. Number one na epekto ng sobrang init ay ‘yung paghina ng pagkain ng manok na resulta ng pagbaba ng egg production at pagliit ng sizes. Nagkakaroon ng imbalance, mas marami yung maliliit,” pahayag niya sa panayam sa TeleRadyo Serbisyo.
Nagbabala rin siya na tumaas ang mortality ng manok dahil sa matinding init, lalo na sa hilagang bahagi ng bansa.
“The intense heat will not have an effect on the nutritional value of the egg, the problem is the eggs are getting smaller. If before, farmers are getting large or XL eggs, now there are more small or even extra small eggs,” aniya.
Ayon pa kay Uyehura, bumaba ang egg consumption sa bansa dahil sa kawalan ng events tuwing maiinit na buwan at sa pagtaas ng bilang ng kanseladong school days dahil sa init. Aniya, sa kasalukuyan, ang medium-sized eggs ay mabibili sa P4.50-P5.40 kada piraso, depende sa lugar.