PRODUKSIYON NG ITLOG BUMABA

BUMABA ng halos dalawang milyon ang produksiyon ng itlog sa San Jose, Batangas, ang tinaguriang ‘egg basket of the Philippines’.

Sa huling datos ng San Jose Municipal Agriculture sa Batangas, bumaba sa mahigit dalawang milyon ang suplay ng itlog na inilabas sa bayan noong Hulyo kumpara noong Mayo.

Ang epekto nito ay tumaas ang presyo ng itlog ng P15 hanggang P20 kada tray at mabibili ngayon sa mga pamilihan sa halagang P250 hanggang P260 ang kada tray ng itlog depende sa laki nito.

Napilitian umano ang ilang egg producers na magsara ng kanilang manukan dahil sa pagliit ng itlog at panghihina ng mga alagang manok bunsod ng pabago-bagong panahon at pagkalugi dahil sa pagmahal ng feeds na kanilang pinakakain sa kanilang mga egg layer.

Base sa talaan ng Municipal Agriculture ng San Jose, humigit-kumulang 800 poultry farms ang kasalukuyang nakarehistro sa naturang bayan. Wala silang opisyal na datos ng mga nagsara o nagbawas ng produksiyon.Kasalukuyan pa itong nangangalap ng impormasyon.

Sa kabila ng dagok na nararanasan ng poultry industry, patuloy na hinihikayat ng San Jose Municipal Agriculture Office ang mga magmamanok na ipagpatuloy ang kanilang mga manukan para hindi tuluyang malugmok ang industriya sa naturang bayan.

Pinag-iisipan na ng mga local official kung paano matutulungan ang mga poultry farmer at poutry farm owner.

MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA