PRODUKSIYON NG MGA PRODUKTONG HALAL ISUSULONG SA REHIYON

NAGDAOS ang Department of Agriculture IV-Calabarzon (DA-4A) ng Consultative Meeting and Planning Workshop kasama ang ilang opisyal ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) noong ika-16 ng Hunyo.

Layunin ng pagpupulong na talakayin ang implementasyon ng halal multiplier farm at DA-assisted halal farms at tuluyang ikasa ang produksiyon ng mga produktong halal sa rehiyon.

Ayon kay Antonio Zara, Halal Program Coordinator ng DA-4A, ito ay upang matugunan ang tumataas na pangangailangan ng mga produktong halal dahil sa pagtaas ng bilang ng mga kapatid na muslim na naninirahan sa rehiyon. Tinatayang hindi bababa sa 217,000 ang kabuuang populasyon ng mga Muslim sa Calabarzon at 12 milyon naman sa buong Pilipinas.

Bilang paunang hakbang sa produksiyon ng halal na produkto, pinaplanong magtayo ng mga multiplier farm kung saan ang mga magiging benepisyaryo ay tatanggap ng mga hayop tulad ng baka, kalabaw, kambing, manok at itik para sa kanilang kabuhayan.

“Upang mas mapabilis ang implementasyon ng programa, maaari nating hikayatin ang mga GAP Certified farm na maging halal farm naman,” ani Jerome Cuasay, Livestock Coordinator ng DA 4-A.

“Lubos kaming nagpapasalamat sa Department of Agriculture sa pagsama sa amin sa ganitong pagpupulong, salamat at binibigyan ninyo ng pansin ang muslim community dito, asahan ninyo ang aming kooperasyon sa mga proyekto ninyo” ani Engr. Rahmatol M. Mamukid, Regional Director ng NCMF South Luzon sa pagsali sa kanila sa nasabing aktibidad.