PRODUKSIYON NG PALAY BABAWI SA 2025

INAASAHANG babawi ang produksiyon ng palay sa bansa ngayong taon, ayon sa isang analyst.

“It will likely be an increase since we are starting with a low base in 2024, where palay production had shrunk a million metric tons (MT), by our calculation,” ayon kay dating Agriculture Undersecretary Fermin D. Adriano.

Nauna rito ay sinabi ng Department of Agriculture (DA) na ang palay o unmilled rice production ay posibleng bumagsak sa 19.3 million MT sa 2024.

Ang sektor ng agrikultura ay pininsala ng tagtuyot dulot ng El Niño sa first half, at ng mga bagyo sa huling bahagi ng 2024.

Kapag nangyari ito, ang rice output ay bababa ng 3.63% mula 20.06 million MT na actual production noong 2023. Ito rin ang magiging pinakamababang lebel ng rice production magmula nang maitala ang 19.29 MMT noong 2020.

Samantala, sinabi ng US Department of Agriculture (USDA) na ang milled rice production para sa 2025 ay bababa ng 3% dahil sa epekto ng El Niño at La Niña events.

Ayon sa USDA, ang milled rice production ay posibleng bumaba sa 11.95 MMT sa 2025 mula 12.32 MMT forecast para sa 2024.