PRODUKSYON NG FAMILY FOOD PACKS NG DSWD PATULOY

UMAABOT na sa 344,316 kahon ng family food packs (FFPs) ang natapos nang ma-repack sa nagpapatuloy na produksyon ng relief goods sa DSWD Main Warehouse sa Pasay City.

Ayon kay DSWD Spokesperson Asec. Irene Dumlao, nabuo ito sa tulong ng 9,000 volunteers na tumugon sa panawagan ng ahensya kasunod ng pagtama ng Bagyong Carina at Habagat.

“We would like to thank the volunteers who have res­ponded to  our call. We would not have achieved this big production without your help,” ani Dumlao.

Aniya, mula pa noong  Hulyo 23, tuloy tuloy na ang pagdating ng volunteers sa National Resource Operations Center (NROC) para tumulong sa pag-repack partikular sa pag-bundle ng food supplies, pagbuo ng food boxes at packing.

Patuloy rin aniyang tumatanggap pa ang DSWD ng karagdagang volunteers.

Kailangan lamang na tumawag sa contact person ng NROC na si Shara Lee sa numerong: 09260612646 at [email protected] for scheduling.

Samantala, hanggang nitong Agosto 12, nasa kabuuang 1,217,148 boxes ng FFPs ang hawak ng DSWD at nakapreposisyon na sa ibat ibang warehouses at storage facilities nationwide.

Nananatili rin available ang nasa higit P350 milyong standby funds ng ahensiya para tumugon sa mga apektado ng sakuna o kalamidad.

P ANTOLIN