Tinantya ng isang pinuno ng dairy group na maaaring bumaba ang produksyon ng gatas sa Pilipinas ng 10 hanggang 20 porsiyento dahil sa epekto ng El Nino.
“Medyo apektado dahil syempre ‘pag mainit syempre hindi komportable ang mga hayop.Mahirap maggatas.Mga siguro 10 to 20 percent bumaba siya.Dahil sa tindi ng init ng panahon bunsod ng El Nino natutuyo na ang mga damo na karaniwang pagkain ng mga alagang hayop na pinagkukunan ng gatas,” pahayag ni Danilo Fausto, President, Dairy Confederation of the Philippines.
Dagdag pa ni Fausto, nagkakasakit na rin ang ilan nilang ginagatasang mga alagang baka dahil sa init ng panahon.
Humina aniya ang mga katawan, nangayayat, at nagkasakit ang mga hayop tulad ng mga baka, kalabaw at kambing na pinagkukunan ng gatas lalo pa at natuyo na rin ang mga damo na pagkain ng mga ito.Kung kaya napipilitan umanong pakainin ang mga nag -aalaga rito ng commercial feeds na mahal.
“Pati yung aming forage na kinakain na sillage at saka yung mga damo dahil natuyo so yung nutrition ng kinakain ng mga hayop ay bumaba. So we will now be dependent sa commercial feeds which is expensive. Pagka mainit, mapayat hindi makakain, mahina, hihina ang katawan mas madaling dapuan ng sakit.Sa ngayon kakaunti pa talaga ang napo-produce na gatas sa Pilipinas at nasa 3.3 metric tons ang nagiging konsumo sa bansa taon taon. According sa Philippine Statistics Authority nasa 30,000 lang ang buong production ng Pilipinas.Less than 1 percent,” ang paliwanag ni Fausto.
Ang mungkahi ni Fausto ay mag-import ang pamahalaan ng mga inahing hayop upang matulungan ang mga magsasaka na mas dumami ang mga inahin na maaaring mapagkunan ng mga gatas na kailangan ng bansa.
“Ang nakikita kong solusyon dyan ay ang pag -iimport ng inahing alagang baka para dumami ang produksyon ng gatas sa bansa. Ang daming natutulungan nyan, kung bibigyan mo ng kalabaw o baka na ginagatasan ang isang farmer baka wala nang mahirap kasi kumikita sila sa gatas lang ng P10 to P15,000 isang buwan,”sabi ni Fausto.
“Kami po ay sumasamo na tangkilikin ang ating local production ng gatas at ang ating iba ibang ahensya ng gobyerno ay suportahan ito.Dahil ito ay magbibigay ng livelihood sa ating mga farmers. Additional livelihood.Yung mga bata naman magbibigyan ng tamang nutrisyon,” sabi ni Department of Agriculture (DA) Undersecretary for Livestock Deogracias Victor B. Savellano na siyang nanguna sa selebrasyon ng “World Milk Day” na isinagawa sa tanggapan ng ahensya.
Simula noong 2001, ang World Milk Day ay ipinagdiriwang tuwing June 1, na pinasimulan ng Food and Agriculture Organization of the United Nations.Ito ay upang ipakita ang kahalagahan ng dairy products sa pangdaigdigang sektor ng pagkain.Ang tema nito sa taong ito ay ang pagpapahalaga sa nutrisyon na dala ng dairy products at sa pangkalahatang kalusugan.
“Milk is often called nature’s perfect food. It is a powerhouse of nutrition. It is rich of calcium, protein, vitamins, and minerals that are essential in our growth and development. For children, it builds strong bones and teeth. For adults, it helps healthy bones and prevents osteoporosis. The benefits of milk are universal, it supports the health and well-being of people all ages,” ang sabi naman ni DA Secretary Francisco Tiu-Laurel. MA. LUISA GARCIA