PRODUKTO NG REGION 2 TAMPOK SA  ‘PADDAY NA LIMA’

DTI

CAGAYAN – PUSPUSAN ang paghahanda ng Department of Trade and Industry (DTI)- Region 2  para sa ‘2019 Festival Mall’ sa  Maynila na magsisimula sa Setyembre 24 hanggang 30, 2019.

Layunin nito na makalikom ng hihigit sa P10 milyon bilang na mapagbebentahan ng kanilang mga prudukto na likha sa Cagayan Valley, na gawang kamay ng mga taga-Rehiyong 2, na buong ingat na nilikha at isinaayos upang makita at maengganyo ang mga mamimili na bilhin ang produktong yari sa Cagayan Valley.

Ang okasyon ay may temang “Padday na Lima’’ na salitang Ybanag, na ibig sabihin sa wikang tagalog ay ‘’Likha ng Kamay’’ na kanilang dadalhin sa isasagawang Trade Fair 2019 na magsisimula sa Setyembre 24-30 2019 na gaganapin sa Festival Mall sa Manila.

Ayon naman kay Leah Pulido Ocampo, Regional Director ng DTI- Region 2, na ang naturang Trade Fair ay taunang isinasagawa upang maipakita ng bawat rehiyon ang mga natatangi at ipinagmamalaki nitong produkto sa mga taga-Maynila.

Bukod dito, sinabi ni Ocampo na layunin din nitong matulungan ang mga micro, small and medium enterprise (MSMEs) na maipakilala ang kanilang mga produkto at kanilang inaasahan na lalahukan ito ng mahigit sa animnapung mga exhibitor mula sa MSMEs sa rehiyon upang itampok ang mga ipinagmamalaking produkto tulad ng processed foods, handicrafts, furnitures at marami pang iba.

Inaasahan din ng pamunuan ng DTI na makikibahagi sa trade fair ang Department of Agriculture Region-2 at muling ibibida ang mga sariwang gulay at prutas.

Umaasa rin si Ocampo na kanilang mahihigitan ang P9.2 milyon na halaga ng napagbentahan noong nakaraang taon.          IRENE GONZALES

Comments are closed.