NALALAPIT na ang pagkakaroon ng sariling produkto ang kabisera ng bansa na ‘tatak Maynila’.
Ito ay tulad rin ng durian na produkto ng Davao o matatamis na mangga ng Guimaras at lechon ng Cebu.
Ibinunyag ni Mayor Honey Lacuna na nakikipag-usap na siya sa mga concerned individual upang makuha ang kanilang opinyon sa kung anong klaseng produkto ang pinakamahusay na magpapakilala na ito ay produktong nagmula sa Maynila.
“Ang Maynila kasi, walang “one product” unlike provinces na meron. We are discussing ano ba ang isang produkto na pag sinabi mo, maiisip mo ang Maynila,” pahayag ng alkalde sa “Balitaan sa Harbor View” ng MACHRA (Manila City Hall reporters’ Assn.).
Aniya, bahagi ng hakbang ng pamahalaang lungsod na maitaguyod ang turismo dahil na rin sa unti-unti ng tinatanggal ang COVID-related restrictions.
Sinabi pa ng alkalde na nagsimula na ring sanayin ng pamahalaang lungsod ang tourist guides at kalesa owners.
Humingi na rin ng tulong ang pamahalaang lungsod sa mga Congressman ng Maynila at nagpahayag naman ang mga ito ng suporta na asistehan ang pamahalaang lokal upang mapalakas ang turismo.
Maliban pa sa pagpapaunlad ng “Quiapo Ilalim” na laging pinupuntahan ng mga lokal at international tourists na gustong mamili ng mga produktong katutubo, plano din na i-develop ang Muslim area sa Quiapo.
Samantala, inanunsyo rin ng alkalde na inihahanda na ang ‘walking tour’ route o guide ng lungsod para sa mga bibisita sa Maynila at kasama rito ang Arroceros Park na ngayon ay mayroon ng viewing deck na overlooking sa Quezon Bridge. VERLIN RUIZ