SINIMULAN na ng Department of Labor and Employment ang profiling para sa emergency employment ng mga residenteng apektado ng patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon sa Albay.
Ayon sa DOLE, nasa P50-M halaga ng pondo ang naiturn-over sa mga local government unit na ilalaan para sa mga naapektuhan ng abnormal na aktibidad ng naturang bulkan.
Ang nasabing pondo ay bahagi ng Tulong Panghanapbuhay Sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD Program kung saan, ang isang miyembro ng apektadong pamilya ay babayaran ng halos P11,000 para sa 30 araw nilang pagseserbisyo.
Kabilang sa serbisyong alok ng DOLE ang community gardening o pagtatanim ng gulay malapit sa evacuation centers, paglilinis at maintenance ng pansamantalang evacuation centers, maging ang housekeeping at paghahanda ng pagkain.