‘PROFITEERING, HOARDING’ SA CALAMITY AREAS TUTUTUKAN

PINATUTUTUKAN ni Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda Jr. ang mga police unit sa mga lugar na ideklarang calamity areas dahil sa lumisang bagyong Egay laban sa posibleng profiteering, hoarding at unfair trade practices.

Inatasan din ni Acorda ang mga regional director at police chief na tumulong sa mga LGU at Department of Trade and Industry (DTI) sa pagpapatupad ng price freeze.

Ayon kay PNP Public Information Office (PIO) Chief Col. Red Maranan, bahagi ito ng relief operation and preparedness plan ng PNP para makapaghatid ng tulong at suporta sa mga rehiyon na lubhang naapektuhan ng bagyong Egay.

Kasama rin dito ang pag-imbentaryo at pag-deploy sa relief operations ng mga suplay ng pagkain sa mga “food bank” ng mga Police Regional Office (PRO).

Ipinatupad din ng PNP Chief ang “Adopt a Region” kung saan ang NCRPO ang susuporta sa PRO 1; ang PRO 3 naman ang tutulong sa PRO 2; at ang PRO 4A ang aalalay sa PRO COR sa paghahatid ng tulong sa mga nasalantang lugar.

Bukod dito, inatasan na rin ni Acorda ang Special Action Force (SAF) na ideploy ang kanilang mga desalination machine sa mga lugar na may kakapusan sa suplay ng inuming-tubig at ang Higway Patrol Group (HPG) na siguraduhing maayos ang daloy ng transportasyon sa mga rehiyong apektado ng bagyo.
EUNICE CELARIO