PROGRAMA NG SIMBAHANG KATOLIKO SUPORTAHAN-TAGLE

tagle

NANANAWAGAN sa mga Katoliko si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na makiisa at suportahan ang mga programa ng Simbahan lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma.

Sa liham pastoral ng Arkidiyosesis ng Maynila, binigyang diin ni Tagle na bukod sa pananalangin, ito rin ay panahon na kalingain ang kapwa na higit na na­ngangailangan.

Ayon kay Tagle, kabilang sa mga natu­rang gawain na maaa­ring suportahan ng mga mananam­palataya ay ang Alay Kapwa Telethon ng Caritas Manila, na sisi­mulan bukas, Lunes Santo, Abril 15.

Layunin nitong bigyang kamalayan ang bawat Katoliko sa pagkakaroon ng pananagutan sa kapwa partikular na sa mga mahihirap, may ka­ramdaman at mga biktima ng kalamidad na nanga­ngailangan ng tulong at paggabay upang muling makaahon sa kanilang kalagayan sa buhay.

Ipinaliwanag ni Tagle na sa paglilimos ay pina­lalago ng bawat isa ang asal ng pagiging mapagkawanggawa at mapagbigay sa kapwa tao.

Nabatid na ang pondong malilikom sa Alay Kapwa ay ilalagak sa Caritas Manila, ang social action arm ng Arkidiyosesis partikular sa Damayan program, ang nangu­nguna sa pagbibigay ayuda sa mamamayang masasa­lanta ng iba’t ibang uri ng kalamidad.

Noong nakalipas na taon ay umabot sa P5-milyon ang nalikom ng Alay Kapwa Telethon na ginamit ng Caritas Damayan sa pagtulong sa nasa­lanta ng bagyong Agaton, Josie, Ompong at maging sa mga biktima ng sunog sa Metro Manila.

Bukod pa rito ang pagpapaabot ng tulong sa rehabilitasyon ng Marawi makaraang masira sa digmaan sa lugar, pagtulong sa mga lumad sa Min­danao at mga pamilyang naapektuhan ng pagsabog ng bulkang Mayon.

Bukod sa Alay Kap­wa Telethon ng Radio Veritas at Caritas Manila ay nagsagawa na rin ng second collection sa mga misa ng bawat parokya bilang tulong sa pagkalap ng pondo.

Umaasa naman si Tagle na bukas palad ang mamamayan sa pagtulong sa Alay Kapwa bilang pamamaraan ng pagpakita ng malasakit sa mga dukha.

Ang Alay Kapwa Telethon ay mapapakinggan sa church-run Radio Veritas sa mula 6:00 ng umaga hanggang  6:00 ng gabi.

Ayon sa Radio Veritas, ang mga nais magbahagi ng kanilang tulong pinansyal ay maaring makipag-ugnayan sa tanggapan ng Caritas Manila at sa kanilang himpilan o ‘di kaya ay tumawag sa mga numerong (02) 9257931 hanggang 39.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.