Nagsagawa ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng pagsususri sa ipinapatupad na Comprehensive Agrarian Reform Program(CARP) ng pamahalaan upang mas paigtingin ang programa.
Ayon kay Presidential Agrarian Reform Council (PARC) Secretariat Director Joyce Ramones, ang taunang pagtatasa nito na nakatuon sa pagsusuri ng pagganap ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) Implementing Agencies (CIAs) para sa taong 2023 at unang kalahati ng 2024 ay isinagawa sa Tagaytay City mula Agosto 7 hanggang 9.
Paliwanag niya ang pagtatasa ay naglatag din ng pundasyon para sa CARP Medium-Term Plan para sa 2025 hanggang 2028, at tinalakay ang mga pangunahing isyu at hamong humahadlang sa pag-unlad ng programa.
Binigyang-diin ni Secretary Conrado M. Estrella III na mahalaga ang pagkakaisa at dedikasyon para sa tagumpay ng CARP. Kinikilala niya ang mga tagumpay at hamong hinarap ng mga CIAs at nanawagan ng magkakasamang pagsisikap upang makamit ang mga layunin ng programa.
“Kinikilala namin ang mga hamon na naranasan natin, ipagdiriwang ang ating mga tagumpay, at naghahanap ng mga pagkakataon sa pag-unlad. Ito ang ating pagkakataon na magkaisa, pagsama-samahin ang ating mga pagsisikap, at tiyakin na bawat layunin ay matupad nang may katumpakan at sigasig. Habang inaangkop natin ang ating mga layunin sa mga limitasyon sa pananalapi, huwag nating kalimutan ang mahalagang epekto ng ating mga pagsisikap sa maraming buhay. Tayo’y sumusulong dahil sa pagkakaisa at sa ating dedikasyon. Sa pagkakaisa, makakamit natin ang mga kamangha-manghang bagay,” ani Estrella.
Sabi ni Ramones, sinuri ng pagtatasa ang pagganap ng mga CIAs batay sa itinakdang mga target at aktwal na mga nagawa, kabilang ang paggamit ng pondo; pagtukoy sa mga isyu at hamon sa pagpapatakbo at mga iminungkahing solusyon para sa epektibong paglutas. Inihanay rin ang mga target ng programa at mga pangangailangang badyet ng mga CIAs para sa mga pangunahing programa ng CARP tulad ng Land Tenure Security Program (LTSP), Agrarian Justice Delivery Program (AJDP), at Agrarian Reform Beneficiaries Development and Sustainability Program (ARBDSP), bilang paghahanda para sa CARP Medium-Term Plan para sa 2025 hanggang 2028.
Binigyang-diin ni Ramones ang kahalagahan ng pagtatasa, na isang pagkakataon para sa CIAs na tugunan ang mga isyu sa pagpapatakbo at iba pang hamong nararanasan sa pagpapatupad ng kani-kanilang mga mandato at tungkulin sa ilalim ng CARP.”
Bilang pinakamataas na katawan sa paggawa ng mga patakaran at desisyon para sa repormang agraryo, gumaganap ng kritikal na papel ang PARC sa pagtiyak ng matagumpay na pagpapatupad ng CARP. Itinatag sa ilalim ng Republic Act 6657, ang PARC ay binubuo ng Pangulo ng Pilipinas bilang Tagapangulo, ang Kalihim ng DAR bilang Pangalawang Tagapangulo, at mga pangunahing opisyal ng pamahalaan mula sa iba’t ibang departamento, kabilang ang Agriculture, Environment and Natural Resources, Budget and Management, Land Bank, Land Registration, Trade and Indusrty, at iba pa.
MA. LUISA GARCIA