PROGRAMANG PANGKABUHAYAN PARA SA MAHIHIRAP NA WORKERS PINALAKAS

MAS pinahusay ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpapatupad ng Kabuhayan program nito upang matiyak na mas maraming mahihirap na manggagawa ang makikinabang sa inisyatibong ito.

Ito ang bingyang-diin ni Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma sa ginanap na 2023 Kabuhayan Awards — isang taunang pagkilala sa mga benepisyaryo ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) na matagumpay na pinamahalaan ang kanilang proyektong pangkabuhayan mula sa DOLE.

Sinabi ni Secretary Laguesma na ang kontribusyon sa pinahusay na pagpapatupad ng programa ay ang pinasimpleng proseso para makakuha ng tulong, inklusibong pagkilala sa magiging benepisyaryo, at ang pinalawak na pakete ng tulong.

“Noong Hunyo 2023 ang DOLE ay nagpalabas ng Department Order No. 239 Series of 2023 kung saan sinimplehan, pinaikli, at binawasan ang mga proseso at dokumento na kinakailangan para makakuha ng tulong sa ilalim ng DILP at TUPAD [Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers Program]. Bukod dito, pinalawak din ang benepisyo at saklaw ng programa… Pinaigting din ng DOLE ang ugnayan sa iba’t-ibang sangay ng pamahalaan at pribadong sektor upang mas mapabuti ang pagpapatupad ng programa,” pahayag ng kalihim sa ginanap na seremonya noong ika-14 ng Nobyembre sa Parañaque City.

Sa ilalim ng DILP, ang mga indibidwal o grupo ng benepisyaryo ay binibigyan ng puhunan sa pamamagitan ng mga materyales, kagamitan, kasangkapan, at mga pasilidad. Bibigyan din sila ng personal protective equipment at micro-insurance, mga seminar tungkol sa basic occupational safety and health at emergency first-aid, at iba’t ibang pagsasanay sa productivity at entrepreneurship upang matiyak na mapananatili nila ang kanilang proyektong pangkabuhayan.

Bilang tagapamahala ng programang DILP, pinasimulan ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) ang pagkilala at pagbibigay parangal sa mga benepisyaryo sa pamamagitan ng Kabuhayan Awards.

Kabilang sa mga natatanging indibidwal na benepisyaryo ng DILP ngayong taon sina Renier B. Mag-abo mula sa Sindangan, Zamboanga del Norte para sa kanyang negosyong pag-ukit at paggawa ng lapida (champion), Melfo O. Bitor mula sa Sogod, Southern Leyte para sa kanyang negosyong street food (1st runner-up), at Dolores G. Casem mula sa Bayombong, Nueva Vizcaya para sa kanyang healthy foods processing venture (2nd runner-up).

Tumanggap ang mga nagwagi ng plake ng pagkilala at premyo na nagkakahalaga ng P50,000 para sa champion, P40,000 para sa 1st runner-up, at P30,000 para sa 2nd runner-up.

Samantala, itinanghal bilang pinakamahusay na DOLE-assisted livelihood projects sa ilalim ng group category ang Tayak Agri-Fishery Producers Association mula sa Abulug, Cagayan para sa kanilang mushroom production venture (champion), Del Pilar Makugihon Fishing Association mula sa Socorro, Surigao Del Norte para sa kanilang general merchandise project (1st runner-up), at REHOBOTH Agriculture Cooperative para sa kanilang chocolate processing venture (2nd runner-up).

Nakatanggap ang bawat grupo ng plake ng pagkilala at premyo na nagkakahalaga ng P100,000 para sa champion, P80,000 para sa 1st runner-up, at P60,000 para sa 2nd runner-up.

Kinilala rin sa nasabing okasyon ang mga DILP at TUPAD regional implementer.

Kinilala bilang pinakamahusay na tagapagpatupad ng programang TUPAD ang regional office ng DOLE Central Luzon, DOLE Davao, at DOLE Zamboanga Peninsula.

LIZA SORIANO