PROGRAMANG PATUBIG KONTRA TAGTUYOT DAGDAGAN

patubig

MGA PROYEKTONG patubig, tulad ng koleksiyon ng tubig-ulan ang ilan sa maaaring makatulong sa bansa upang makatagal sa tagtuyot dulot ng El Niño.

Ito ang sinabi ngayon ni Senador Sonny Angara bilang reaksiyon sa tumitinding tagtuyot na nararanasan ngayon sa bansa, partikular sa mga kabu-kiran at mga lalawigang agrikultural.

Ayon sa senador, kaila­ngang magdagdag ang gob­yerno ng water catchment basins at iba pang imprastraktura na makatutulong sa pagsustina nito para masagot ang pangangailangan ng bansa sa tubig.

Nanawagan din si Angara sa solidong pagpapatupad ng RA 6716 na nag-aatas sa kons­truksiyon ng rainwater collector sa lahat ng barangay sa Fili-pinas.

Anang senador, subok at napatunayan nang epektibo sa mga bansa tulad ng India, Malaysia, Thailand at Singapore ang pag-iipon ng tubig ulan para sa kani-kanilang komunidad.

Matatandaan na noon pang 2007, nagbabala na ang Asian Development Bank na maaaring maubusan ng sup­lay ng malinis na tubig ang bansa sa taong 2025 kung hindi ito agad aaksiyunan ng gobyerno sa pamamagitan ng mas pinalakas na imprastrakturang patubig.

Sa naturang ulat, isa ang Kalakhang Maynila sa siyam na lugar sa bansa na ikinokonsiderang “water critical”. Kabilang din dito ang Metro Cebu, Davao, Baguio, Angeles, Bacolod, Iloilo, Cagayan de Oro at ang Zamboanga.

“Paulit-ulit na lang ang problema nating ito sa tuwing sasapit ang tag-init. Kaila­ngan dito ang mabilis na aksiyon ng gobyerno. Napakahalaga ng tubig para sa ating lahat,” dagdag pa ni Angara.  VICKY CERVALES

Comments are closed.