PALALAKASIN ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagtupad sa programang “Project Eskwela” na may kaugnayan sa unang araw ng pagpasok sa mga paaralan, partikular na sa Metro Manila.
Ayon kay NCRPO Director PMGen. Jose Melencio Nartatez Jr., handa na ang kapulisan ngayong linggo para umasiste at gabayan ang mga mag-aaral na papasok sa kani-kanilang paaralan.
Una nang nagsagawa ng “Brigada Eskwela” ang mga tauhan ng NCRPO sa iba’t ibang pampublikong paaralan na nasasakupan nito na kung saan nagtulung-tulong kasama ang mga magulang at iba pang non-government organization (NGO) sa pagsasaayos ng mga silid-aralan para sa mga estudyante.
Sinabi ni RD Nartatez na isa sa obligasyon ng “Project Eskwela” ay bantayan ang seguridad sa paligid ng mga paaralan, maging sa komunidad sa pamamagitan ng pagtalaga ng mga pulis sa bawat eskwelahan mula umaga sa oras ng pasok hanggang sa pagtapos ng klase upang masigurong ligtas ang mga mag-aaral, maging ang mga guro at school staff.
Magpapatuloy ang “Project Eskwela” hanggang sa pagtatapos ng klase sa Abril at panibagong programa naman ang ilalaan para sa susunod na school year.
CRISPIN RIZAL