SI Senator Imee Marcos nang dumalo sa press conference sa Kamuning Bakery Cafe. Nasa larawan ang mga negosyanteng sina Dr. Cecilio Pedro, presidente ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII) kaliwa, at Wilson Lee Flores. Kuha ni MARK NILO ODIAMAN
Matapos magbunyi ang Pilipinas sa dalawang gintong medalya na naipanalo sa Paris Olympics ni Carlos Yulo kamakailan, nais ni Senator Imee Marcos na muling buhayin ang “Project Gintong Alay” na national sports program na ipinatupad ng kanyang amang si dating pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Sinabi ni Imee na dahil naging epektibo ang programa upang mamayagpag sa larangan ng palakasan ang bansa sa Asya ng panahong iyon, at ngayon ay muli siyang nakakasilip ng potensyal na maibalik ang husay sa sports sa pamamagitan ng tulong ng pribadong sektor na maaaring makapagbigay ng tamang suporta sa mga atleta na hindi prayoridad pondohan sa national budget.
“Matagal ko ng sinasabi sariling sikap ang ating mga atleta. Hirap na hirap. Nakita natin mga problema ng ating mga basketball amateurs, lahat ng athletics natin. Parating sinasabi na ang PAGCOR ang susuporta pero mukhang kulang pa talaga. So ang akin sana ibalik din. Puwede namang ibalik yung Gintong Alay. Kung naalala n’yo noong panahon ng tatay ko parating sikat ang Pilipinas sa SEA games, sa Asian games,” ang ipinahayag ng senadora.
Binanggit ni Marcos ang kanyang panukala dulot ng naging resulta ng pagkapanalo ni Yulo bagamat umano’y kulang ang suportang natatanggap nito bago sumabak sa laban.
Ayon kay Marcos, nararapat lamang na magtamasa ng mga gantimpala ang mga atletang katulad ni Yulo matapos magsariling sikap ito upang magdala ng karangalan sa bansa.
“Happy happy tayo nagkaroon tayo ng dalawang gold kay Yulo. Lahat medyo puyat dahil sa nanood sa kanyang laban.At nanalo ulit. Double gold. Kaya maraming premyo. Napakalaking karangalan para sa Pilipinas na nanalo tayo.Talaga naman nagpapasalamat tayo sa sakripisyo,sa hirap ni Mr. Yulo at ng buong pamilya niya. Buong angkan pinagsumikapan nang todo todo itong pangarap niya sa Olympics at natupad naman. Hindi lamang para sa kanila kundi para sa atin lahat.Your victory is all ours,” sabi ni Marcos.
Magbibigay ng P3 million sa gold medalist, P2 million sa silver, at P1 million sa bronze medalists ang Kamara sa naturang Olympics competition dahil sa malaking karangalan ang idinulot sa atin,”sabi ni Marcos.
“Kahit papano nananalo tayo. Ang nangyari kasi noon kaya tayo nananalo nu’ng golden age ng athletics sila Lydia de Vega, Elma Muros, sikat na sikat tayo. ‘Pag ka inaampon kumbaga inaampon ng iba’t ibang malaking kompanya ‘yung mga sports. So private companies would take over, and basically deal with all the expenses, which were I am not sure, to some degree to something tax deductible na magandang offer kung ganun. At naaalala ko si Danding Cojuangco, San Miguel, sila ang punong abala kapag may basketball si Bobby Benedicto, at yung mga grupo, sa swimming pati na rin sa golf, iba iba e. Unti unti. Naghati hati sila sa sports, inaampon nila. At sumikat nang todo ‘yung ating sports pati yung golf, bowling, kung ano ano ang papasukin natin ng panahon na yun,” dagdag nito.
“Kasi alam naman natin na kapos ang ating gobyerno…kinakapos din tayo. Kahit sa pagbibigay ng relief kaya importante siguro na talagang spirit of bayanihan…. sana ganun din sa sports. Kasi kumbaga lagi na lang last priority yung sports,” sabi ni Marcos.
Paliwanag ng senadora, malabong maitaas ang alokasyon sa national budget ang sports dahil huli umano ito sa prayoridad ng pamahalaan. “Last priority ang sports kaya nga sinasabi ko, there is very little room in the 2025 budget. Kaya ang nire-recommend ko na sana gumawa na tayo ng package para maging attractive na suportahan ng private corporations din ang ating sports associations. Ang kanilang mga superstars at talento, para sila ay makakuha ng sapat na coaching, ng training, ng kampo, ng competition,ng travel allowances at iba iba pang pangangailangan,” sabi ni Marcos.
Ang “Project Gintong Alay” o “Gintong Alay” ay inilunsad ng dating pangulong Marcos Sr. sa pamamagitan ng Letter of Instruction No. 955 noong Oktubre 31, 1979 na inisyu sa Ministry of Youth and Sports Development. Ang pangunahing layunin ng paglulunsad ay upang makapaglikha ng national sports program para sa track and field na mga atleta. Noong Nobyembre 8, 1979, inilabas ni Marcos Sr. ang Proclamation 1922, kung saan ay pinahintulutan nito ang Gintong Alay na magsagawa ng educational at fund campaign para sa proyekto na maaaring sakupin ng magiging pondo nito ang 17 na iba pang sports.
Agosto 16, 1980 lahat ng regalo, donasyon at tulong sa mga atleta ay hindi papatawan ng buwis. Natapos ang Gintong Alay program ng naturang administrasyon nang mapatalsik sa pwesto si Marcos Sr. sa People Power Revolution ng Pebrero 1986.
Isa sa naidulot ng naturang programa ay ang pagkapanalo ng Pilipinas ng 91 gold medal ng sa 1991 Southeast Asian (SEA) Games.
Samantala, pinayuhan naman ni Marcos si Yulo na pangalagaan nang husto ang kanyang mga matatanggap na gantimpala na tinatayang aabot sa P80 million kabilang ang 3 bedroom condominium unit sa BGC, Taguig upang mapalago ito at habangbuhay niyang pakikinabangan.
Ma.Luisa Macabuhay-Garcia