INAASAHAN ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang patuloy na pagbagal ng inflation sa Abril sa likod ng pagbaba ng singil sa koryente, presyo ng pagkain, gayundin ng rolbak sa LPG prices.
Sa kanilang month-ahead forecast, sinabi ng BSP na ang inflation ngayong buwan ay maaaring maitala sa 6.3% hanggang 7.1%.
Mas mababa ito kumpara sa 7.6% inflation noong Marso.
“Lower electricity rates, the decline in prices of fish and vegetables, and rollback in LPG (liquefied petroleum gas) prices contributed to easing price pressures during the month,” sabi ng central bank.
Gayunman, sinabi ng BSP na ang upward price pressures ay inaasahang magmumula sa mas mataas na presyo ng domestic petroleum, bigas at karne, at sa paghina ng piso.
“Going forward, the BSP remains prepared to respond appropriately to continuing inflation risks in line with its data-dependent approach to monetary policy formulation,” ayon pa sa BSP.
Nakatakdang ilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang official inflation rate figures para sa Abril sa Mayo 5, 2023.