POSIBLENG maiproklama ang bagong presidente at bise presidente ng bansa bago ang Hunyo.
Ito ang pahayag nina Senate President Vicente Sotto III at House Speaker Lord Allan Velasco sa isinagawang pagbubukas sa consolidation at canvassing system machine.
Ang Senado at Kamara ang nakatakdang magbilang ng mga boto para sa mga kandidato sa pagka-pangulo at ikalawang pangulo.
Ang pagbubukas sa consolidation at canvassing system machine ay ang paraan para makakonekta ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa server ng Commission on Elections (Comelec) para sa bilang ng mga boto mula sa mga lungsod, probinsiya at abroad.
Ayon kay Sotto at Velasco, posibleng matapos nila ang bilangan sa loob ng lima hanggang pitong araw kapag na-convene na ang dalawang kapulungan bilang National Board of Canvassers (NBOC) sa Mayo 24. Maaari rin itong mapaaga pa.
”Kung mag-start kami ng 24, 25, 26, the third day is the 26 or the 27th, it looks promising we could be able to proclaim by the 27th or the 28th. That’s the latest. Baka kaya earlier, basta walang magkukuwestiyon-kuwestiyon masyado. Anyway, computerized ito, automated, so we cannot foresee a problem,” ang pahayag ni Sotto.
Ipinaliwanag nilang hindi na kasi mano-mano ang kanilang pagbibilang gaya ng dati.Mahigit 67 milyong Pilipino ang rehistrado para sa eleksiyon ngayong Lunes.
”You won’t see any more whiteboards, manual tallies. Just a click of the computer and you’ll have LCD screens. It will be flashed there. It will be added automatically,” dagdag ni Velasco.