(Promdi nagbaka-sakali sa Maynila) NAGTAGUMPAY SA NEGOSYONG GULAY AT PRUTAS

ANG dating pro­binsiyanong nagtatrabaho sa isang sagingan sa Butuan ay isa na ngayong matagumpay na maggugulay at magpuprutas sa Maynila.

Ito ang salamin ng buhay ni Jaime Espiritu, 42-anyos at kasal kay Tennie Espiritu na may isang anak na si James KIerl, 9-anyos at nakatira sa lungsod ng Makati.

Kapitbahay ni Jaime ang kanyang naging maybahay sa Guiho Ext. o kilala dati sa tawag na Macda na matatagpuan sa Cembo, Makati City.

Sa kuwento ni Jaime, noong bata pa siya ay nagtatrabaho na siya sa isang sagingan sa kanilang pro­binsiya sa Butuan at dahil may pangarap sa buhay ay nagbakasakaling tumungo sa Maynila para humanap ng magandang bukas na magpapa-ahon sa kanya sa buhay bilang isang trabahador.

18-anyos nang magtungo sa Maynila si Jaime at sa kanyang pagbabakasakali ay nagkapagtrabaho naman siya sa isang tindahan ng saging sa Guadalupe bilang tindero.

Noong mga panahon na iyon, binata pa si Jaime ang kanyang kinikita lamang bilang tindero ay P1,500 kada buwan.

At ang malungkot na pangyayaring sa kanyang buhay, sa kabila ng mayroon siyang trabaho ay kinakapos pa rin siya da-hil sa kung minsan ay hindi rin siya napapasuweldo ng kanyang mga amo dahil sa kahinaan ng pagtitinda at minsan ay lugi pa.

Bahagi ng kinikita ni Jaime ay pinadadala niya sa kanyang mga magulang at kapatid sa probinsiya bilang tulong sa mga ito sa kabila ng kanyang maliit na suweldo.

Isang araw,nakilala ni Jaime si Laila na nagbigay sa kanya ng ideya at tiwala sa kanyang kakayahan.

Sinabi ni Laila kay Jaime, bakit hindi mo subukang magsarili at mamuhunan sa pagpuprutas upang sa ganoon ay magkaroon ito ng karagdagang  kita.

Pinag-isipan ni Jaime ang ideya ni Laila dahil sa unang-una ay saan ito kukuha ng puhunan, pang-upa sa puwesto at higit sa lahat paano ang pamamalengke ng paninda.

Isang araw, naalala nito ang kanyang biniling kuwintas na bunga ng kanyang pag-iipon.Isinangla niya ito at isugal  bilang puhunan.

Dito na nagsimula ang pagkakaroon niya ng sariling negosyo na mula sa bila-bilao paninda ay nagkaroon siya ng sariling kariton na dati ay nirerentahan lang ito at matapos niyang magtinda ay ibinabalik na rin.

Walang sinasayang na oras si Jaime dahil bago pa sumapit ang hatinggabi ay gising na ito para mamalengke ng paninda at pagbalik nito ay aayusin na niya ito bilang paghahanda sa pagtitinda. Gayundin, nagdedeliber ito sa umaga sa kanyang mga suki sa tindahan at kantina, babalikan na lamang sa hapon ang bayad ng mga ito.

Nahirapan si Jaime sa kanyang pagtitinda dahil sa walang kasiguraduhan kung siya ay malulugi o mababalik ang kanyang puhunan at kung magkano ang tutubuin kung mayroon man.

At kung minsan ay hindi niya alam kung mauubos ang kanyang paninda dahil sa noong una ay wala pa siyang suki.

Matinding sikat ng araw at biglaang pagbuhos ng ulan ang kanyang sinusuong para lamang sumugal sa paghahan-apbuhay at kapalit ang kita para matustusan ang kanyang pangangailangan sa buhay.

Hindi nagtagal, mula sa kariton,nakapagpundar si Jaime ng hulugang motor na nilagyan ng side car para lagyan ng kanyang panindang mga gulay at prutas.

Dati ay nakikisabay siya sa mga kalong-kalong o yung mga motor na dinisenyuhan ng sidecar na bakal para sakayan ng mga namimili ng gulay at prutas sa Divisoria at Balintawak.

Nagsimula lamang si Jaime sa puhunang P3,000 at sa kalaunan ay umabot na ito sa P15,000.

Sa tubong P10 kada kilo ay masaya na si Jaime dahil katwiran nito ang maliit na kita sa isang kilo pag pinagsama-sama ay tiyak na malaki na rin ang kanyang kikitain.

Katwiran pa ni Jaime ang isang negosyo ay isang sugal na kailangan mong tumaya upang makita mo ang iyong tagumpay at pagkatalo.

Kung dati, kumikita lamang si Jaime ng P500 hanggang P1,000 sa isang araw ngayon ay  higit pa rito.

Nasa 20 taon ng nagtitinda si Jaime ng mga gulay at mga prutas sa lungsod ng Makati. Mayroong dalawang inuupahan puwesto at may pito ng tauhan na katuwang sa pagtitinda na stay in at sumasahod ng P7,000 kada buwan.

Sa ngayon ay bukod sa sariling bahay, nakapundar na rin ng ilang ari-arian si Jaime, mayroon na rin siyang sasakyan at ipon para sa kanyang pamilya at pag-aaral ng anak.

Aminado si Jaime na wala siyang ibang dapat na pasalamatan sa lahat ng kanyang biyaya kundi ang Panginoong Maykapal na hindi siya pinabayaan sa hamon ng buhay at kung anuman ang mayroon siya sa kasalukuyan ito ay utang niya lahat sa Panginoong Diyos.

Patunay na sa kabila ng hindi man nakapagtapos ng pag-aaral si Jaime at isa siyang probinsiyano kapag nagsikap at nag-tiwala sa iyong kakayahan at nananalig sa Poong Maykapal ay kaya mong magtagumpay sa hamon at pagsubok ng buhay.

At dahil sa pan­demya, ibinebenta na lamang ni Jaime sa pres­yong puhunan upang maubos at hindi masa­yang ang panindang gulay at prutas.

Hindi madamot ang mag-asawa kung kaya’t ang kanilang mga tauhan ay nananatili sa kanila sa kabila ng pandemya.

Hindi lamang sa pag­hahanapbuhay sumusugal ang pamilya ni Jaime at mga tauhan niya kundi isinusugal din nila ang kanilang sarili at kalusu­gan para makapagserbisyo sa mga mamimili. CRISPIN RIZAL

3 thoughts on “(Promdi nagbaka-sakali sa Maynila) NAGTAGUMPAY SA NEGOSYONG GULAY AT PRUTAS”

  1. 295410 740340Ive been absent for some time, but now I remember why I used to adore this weblog. Thank you, I will try and check back much more often. How often you update your web internet site? 646449

Comments are closed.