(Promodizer, sekyu sugatan) LALAKI NAG-AMOK SA MALL TODAS SA PARAK

DAVAO DEL NORTE- SA kamatayan nagwakas ang paghuhurumentado ng isang lalaki sa loob ng mall ng isang lalaking umano’y nagkadepresyon dahil sa mabigat na timbang sa Tagum City sa lalawigang ito.

Ayon kay Lt. Col. Jay Dema-ala, hepe ng Tagum Police Station, biglang nag-amok sa 3rd floor ng mall ang 26-anyos na lalaking taga-Mawab, Davao de Oro.

Bigla umanong kumuha ng kutsilyo ang lalaki sa display area at tinaga sa ulo ang promodizer na si Sherwin Bustamante, 23-anyos na nasa kritikal na kondisyon.

Sinunod ng suspek ang security officer ng mall na si Ronald Costan, 45-anyos na nagtangkang umawat.

Sinasabing hindi napuna ni Bustamante ang paglapit ng suspek dahil sa naglilinis na ito ng sahig dahil pasara na ang mall.

Lumabas sa pagsisiyasat na maging ang ama ng suspek ay nabigla sa ikinilos ng anak subalit aminadong dumaranas ito ng depresyon dahil sa timbang nito kaya naisipan nilang ipasyal para malibang pero hindi nila inasahang mag-aamok ito.

Unti-unti raw itong nakararanas ng depresyon matapos na mabalewala ang kanyang ginagawang exercise at pagbabawas ng pagkain dahil hindi rin daw ito pumapayat.

Agad naman nakaresponde ang mga tauhan ng Tagum City PNP, subalit hindi ito sumuko at patuloy na nag-ikot sa loob ng mall hawak pa rin ang kutsilyo.

Dead on arrival sa Davao Del Norte Regional Hospital ang suspek nang mapilitan na ang mga pulis na barilin habang patuloy na ginagamot naman sina Bustamante at Costan. VERLIN RUIZ