CAMP CRAME – NADISKARIL ang promosyon sana kahapon ng isang police major matapos arestuhin ng mga tauhan ng PNP Counter Intelligence Task Force bunsod ng umano’y pangongotong noong Biyernes.
Ayon kay PNP Chief, Dir. Gen. Oscar Albayalde, inalis muna sa listahan ng mga promoted si Police Captain Gerry Manuel Revecho, hepe ng ID production section ng PNP Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA).
Ito ay dahil inireklamo ito ng pangongotong ng isang security agency dahil sa pangongolekta sa kanila ng P20,000 para lamang mas mabilis na maiproseso ang identification cards ng 32 security guards.
Bukod sa kasong anti-graft and corrupt practices act at anti red tape act kakasuhan din si Revecho ng administratibo.
Nang isagawa ng CITF ang operasyon sa loob ng PNP SOSIA sa Camp Crame nakuha ang P20,000 marked money.
Kahapon ng umaga, 642 Police Commisioned Officers at 55,671 na mga Police Non Commissioned Officers ang na-promote na bahagi ng 1st semester 2019 regular promotion program. REA SARMIENTO
Comments are closed.