TINIYAK ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na magpapatuloy ang promotion ng mga 3rd level officer makaraang maudlot dahil sa panawagan ni Interior Secretary Benhur Abalos na magsumite ng courtesy resignation.
Ito ay makaraang malinis ang pangalan ng 917 na opisyal ng PNP na iniuugnay sa droga.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, pinatitiyak ni PNP Deputy Chief for Administration Lt. General Rhodel Sermonia na makukuha ng mga opisyal ang promosyon na nararapat sa kanila lalo na kung wala naman silang kinakaharap na kaso.
Nabatid na kamakailan lang ay halos 10 opisyal ng PNP ang na-promote sa puwesto kabilang ang tatlong Major General at lima naman ang Brigadier General.
Kabilang sa nakatanggap ng unang estrelya sa balikat ay ang kasalukuyang Public Information Chief na si BGen. Redrico Maranan.
Matagal na sanang na-promote ang mga ito pero hinintay muna nilang matapos ang vetting process ng 5 Man Advisory Group.
Matandaang noong Enero 4 ay nanawagan si Abalos Jr ng courtesy resignation sa 3rd level officers ng PNP na bahagi ng internal cleansing at malinis ang PNP mula sa droga.
Kabuuang 953 ang tumanggap sa hamon.
Samantala, inamin ni Fajardo na wala pang update sa mahigit 30 na opisyal na narekomendahan ng “for further investigation”.
EUNICE CELARIO