PROMOTIONS SA PNP NAUDLOT

AMINADO ang Philippine National Police (PNP) na bahagyang naudlot ang promotions ng 3rd level officers na may kabuuang bilang na 953 dahil sa pagtugon sa apela ni Interior Secretary Benhur Abalos na magsumite ng courtesy resignation na bahagi ng internal cleansing at anti-ninja cops program.

Gayunpaman, tiniyak ni PNP Public Information Office Chief, PColonel Redrico Maranan na matutuloy na ang pag-usad ng promotions dahil natapos na ang evaluation and assessment sa courtesy resignation kung saan 917 ang hindi tinanggap habang 36 ay “for further investigation”.

Ipinaliwanag naman ni Maranan na nais ng mga pinuno sa PNP na ma-clear muna sa drug linkage para maipagpatuloy ang paggawad ng promotion.

“Medyo na-hold muna ‘yun dahil gusto nga ‘nung ating mga pinuno na kapag lumabas ‘yung promotion ‘nung mga third level officers ay cleared naman tayo doon sa tinatawag natin na link doon sa mga illegal drugs activities,” diin ni Maranan.

Habang wala aniyang dahilan para mangamba na wala nang promotion dahil nai-submit na kay Pangulong Bongbong Marcos ang resulta ng evaluation and screening sa courtesy resignation.

“So magtutuloy tuloy naman ‘yun dahil alam ko mai-submit na ‘yun sa office ng ating Pangulo,” dagdag pa Maranan.

Ang courtesy resignation ay na-screen na ng 5-Man Advisory Group at naisumite na sa National Police Commission na siya namang magre-recommend sa Pangulong Marcos batay sa kanilang findings and assessment. EUNICE CELARIO